Home NATIONWIDE 3 motorbanca nahuli sa illegal fishing

3 motorbanca nahuli sa illegal fishing

MANILA, Philippines- Nahuli ng Philippine Coast Guard (PCG)-manned DA-BFAR vessel, BRP Capones (MRRV-4404), at BFAR Fisheries Protection and Law Enforcement Group ang tatlong motorbanca na nagsasagawa ng ilegal na pangingisda sa kalapit na karagatan ng Eastern Visayas noong Abril  12.

Naganap ito sa isinagawang joint patrol ng PCG-BFAR maritime sa katubigan sa Libucan Island, Tarangnan Samar, Maripipi Island, at Bool, Biliran. 

Dalawa sa tatlong nasitang motorbanca ang gumagamit ng Danish Seine, na lokal na kilala bilang “hulbot-hulbot.”

Nahuli ang ikatlong motorbanca malapit sa  Tarangnan, Samar, kung saan kinumpiska ang lambat nito kasunod ng pagpapalabas ng Certificate of Orderly Inspection. 

Pinalaya ang may-ari ng bangka at tripulante matapos magsumite ng mga legal na dokumento at pinayuhan na isumite ang mga kulang na rekisitos. 

Samantala, ang dalawang motorbanca na gumamit ng “hulbot-hulbot” ay ipinasa sa BFAR Region 8 para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng kaukulang kaso. Jocelyn Tabangcura-Domenden