Home METRO Foreign students pwedeng isailalim sa intel probe – BI

Foreign students pwedeng isailalim sa intel probe – BI

MANILA, Philippines – IPINAHAYAG ng Bureau of Immigration (BI) na maaari pa ring isailalim sa intelligence investigation ng gobyerno ang mga dayuhan sa Pilipinas na may hawak na student visa kung mapapatunayang nagsasagawa ang mga ito ng ilegal na aktibidad.

Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na ayon sa batas, ang mga dayuhan na nakakuha ng kanilang student visa ay maaaring sumailalim sa mga pagsusuri ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at ng National Bureau of Investigation (NBI) para sa mga aktibidad na salungat sa seguridad ng Estado.

Sinabi ni Tansingco na ang namamahala sa naturang batas ay ang Executive Order No. 285, s. 2000, na nagtatag ng inter-agency committee sa mga dayuhang estudyante. Ang BI ay bahagi ng inter-agency, na pinamumunuan ng Commission on Higher Education (CHED), kasama ang NBI, NICA, Department of Foreign Affairs (DFA), at Department of Education (DepEd).

Nilinaw ni Tansingco na ang nasabing batas, ang BI ay maaari lamang mag-isyu ng student visa sa mga foreign national na inendorso ng mga lehitimong paaralan at ng CHED.

Idinagdag ng opisyal na ang lahat ng mga paaralan na tumatanggap ng mga dayuhan bilang mga mag-aaral ay kinakailangang magsumite ng kanilang mga regular na pag-uulat sa BI na susubaybay sa kanilang pagsunod sa visa, ang CHED na titiyak sa pagsunod sa mga patakarang may kinalaman sa edukasyon, at ang NICA na magsasagawa ng mga pagsisiyasat sa mga kahina-hinalang aktibidad.

Ibinahagi ni Tansingco na para sa 2023, kabuuang 1,516 na Chinese nationals ang nabigyan ng student visa sa Cagayan, lahat ay inendorso ng isang pangunahing unibersidad sa Pilipinas. Gayunman, ang mga ulat na natanggap ay nagpapakita lamang ng higit sa 400 Chinese nationals ang on-site, dahil ang paaralan ay sinasabing nagpapatupad ng distance learning.

Sinabi niya na ang pagtaas ng mga mag-aaral ay maaaring maiugnay sa post-pandemic rebound, gayundin ang aggressive marketing ng mga paaralan at ahensya ng gobyerno upang palakasin ang educational tourism ng bansa.

Ipinahayag ng BI Chief na sa kabila ng pag-aalala ng sektor ng seguridad, umaasa siyang hindi mapipigilan ng mga isasagawang pagsusuri sa mga lehitimong dayuhang estudyante na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa Pilipinas.

“The national government has actively promoted the country as an education hub in Asia,” ani Tansingco. “We hope that these concerns do not scare away legitimate students whose stay in the country could greatly help re-boost our economy,” dagdag pa nito. JAY Reyes