Home OPINION HIRAP ANG MAGULANG SA PAGDISIPLINA SA ANAK

HIRAP ANG MAGULANG SA PAGDISIPLINA SA ANAK

Kayamanan ng bawat mag-asawa ang kanilang mga anak. Ang mga anak din ang nagbibigkis sa mag-asawa upang lalong maging matibay ang kanilang pagsasama. Sila rin ang pag-asa ng mga magulang na aaruga sa kanilang pagtanda.

Lahat ng maganda, lahat ng mabuti ay gagawin ng bawat magulang sa kanilang mga anak. Ang pagmamahal sa mga anak ay dapat na palaging nasa lugar upang ito ay maging tama, ma­ging kapaki-pakinabang para sa kanila, at magamit nila ng may kawastuhan nang sa gayun ay kanilang pakinabangan ng tama maging aral at gabay nila sa pagtanda at lumaki sila ng tama at maging kalasag nila sa dako pa roon ng maganda nilang bukas na tatahakin.

Kung ang isang bata ay masayahin at puno ng buhay tapos ay biglang nagbago at naging balisa, huwag magsawalang kibo, maging matiyaga sa pagtatanong. Iparamdam sa kanya na siya ay kakampi at maaari niyang masandigan.

Ibinahagi ng United Nations International Children’s Fund o UNICEF na 60 percent ng tinatayang nasa 400 million na mga batang nasa edad na limang taon pababa sa buong mundo ay nakararanas ng bayolenteng pagdidisiplina sa loob ng kanilang tahanan na maaaring pisikal o sikolohikal katulad ng pamamalo at pang-iinsulto.

Ang datos ay mula sa isang daang (100) bansa na kinolekta mula taong 2010 hanggang 2023 saklaw ang pisikal na parusa at masasakit na pananalita o kilos.

Sa depinisyon ng UNICEF, kasama sa sikolohikal na pang-aabuso ang paninigaw sa bata o pagtawag sa kanila bi­lang mga tanga at tamad, habang pisikal na pang-aabuso ang pagyug­yog at pamamalo o anomang pagtatangka para maka­panakit o magkaroon ng pagkatakot sa bata.

Kahit pa maraming bansa ang nagbabawal sa pagpapataw ng corporal punishment sa mga bata, nasa 330 million na bata ang hindi nabibigyan ng proteksyon.

Dagdag pa ng UNICEF, isa sa bawat apat na Nanay ang naniniwala na ang pisikal na parusa o pamamalo ay kinakaila­ngan para mapangaralan ang kanilang mga anak.

Pero lumalabas sa mga pag-aaral na may masamang epekto ang ganitong klase ng parusa sa mga bata, kabilang dito ang pagkawala ng paniniwala nila sa sariling kakayahan.

Habang nakikita naman sa isang batang puno ng pag-aaruga, pagpapahalaga at pagmamahal ang paghahangad na maka­tulong sa kapwa-tao, maging mabuting tao at pagkakaroon ng pangarap.

Kapansin-pansin na kasi na sa pagdami ng karapatan ng mga bata sa kasalukuyan ay nahihirapan na ang mga magulang sa pagdisiplina, kaya marunong na silang sumagot, magmaktol, at pagsalitaan ng hindi maganda ang mga nakatatanda sa kanila.