Home METRO Lolo patay sa bugbog ng magnanakaw sa Bulacan

Lolo patay sa bugbog ng magnanakaw sa Bulacan

MANILA, Philippines – Patay ang isang lolo matapos na pagnakawan at bugbugin sa San Jose del Monte, Bulacan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, naglalakad ang 71-anyos na biktima nang sapilitan itong isinakay sa isang AUV.

“Nag-counterflow po itong sasakyan, meron silang nabanggang motorsiklo, tapos nakita nung driver ng motorsiklo — bigla po kasing bumukas yung sasakyan — nakita nila na may binubugbog sa loob na isang matanda,” pagbabahagi ni Police Corporal Ryand Paul Antimaro, imbestigador mula sa San Jose Del Monte Police Station.

“Kaya agad po silang nakakuha ng pansin, kaya po hinabol po nila,” dagdag pa niya.

Ilang metro pang hinabol ang AUV hanggang sa makatakas ang biktima. Agad itong humingi ng tulong sa gwardya ng isang subdivision na tumawag naman ng pulis.

Naisugod pa sa ospital ang lolo ngunit binawian din ng buhay.

Arestado ang drayber ng AUV habang nakatakas naman ang mga kasama nito.

Kalaunan ay naaresto ang mga suspek, o apat na babae at isang lalaki matapos ituro ng nahuling drayber.

Nakuha mula sa mga suspek ang cash na P21,000 at iba’t ibang alahas na nagkakahalaga ng P320,000.

Nakuhanan din ang mga suspek ng baril at sumpak na kargado ng bala.

“Lumalabas sa imbestigasyon namin na itong biktima ay nagtubos ng mga alahas sa isang pawnshop kaya siguro natiktikan nitong mga suspek natin,” ayon kay Antimaro.

Pinaghahanap pa ang dalawang suspek.

Ayon sa pulisya, ang mga ito ay miyembro ng isang grupo na ang modus ay magnakaw at bugbugin ang kanilang mga nabibiktima.

Mahaharap sa reklamong robbery with homicide ang mga suspek habang mahaharap din sa kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang dalawang lalaking suspek. RNT/JGC