Home NATIONWIDE P358M pekeng yosi nasamsam ng BIR, NBI

P358M pekeng yosi nasamsam ng BIR, NBI

CAVITE – NASAMSAM ng pinagsanib na operatiba ng Bureau of Internal Revenue at National Bureau of investigation ang 3.12 milyong pakete ng illegal na sigarilyo na nagkakahalaga ng P358 milyon sa isinagawang sabay-sabay na pagsalakay sa walong illegal cigarette making at packing machines sa Dasmarinas City at Indang, Cavite, araw ng Huwebes.

“Bahagi ito ng direksyon ni BIR Comm. Romeo Lumagui Jr. na paigtingin pa ang kampanya laban sa illegal na sigarilyo, para mapunuan ang bilyong piso na nawawala sa kaban ng bayan dahil sa iligal na gawaing ito. Bukod sa nagdudulot ito ng higit na panganib sa kalusugan ng taong bayan, napakalaki din ng negatibong epekto nito sa ekonomiya ng bansa,” ayon kay BIR Director for CABAMIRO Eric Diesto.

Sinabi naman ni NBI IPRD Chief Jesus Manapat na “This concerted effort aims to thwart illegal operations by organized crime syndicates, especially those involving foreign nationals, and to protect our people from the harmful effects of illegal cigarettes. By putting a stop to the selling and manufacturing of illegal cigarettes, we are also hoping to help bolster economic activities, employment and to provide our local farmers better opportunities.”

Ang nasabing operasyon na pinangunahan nina Atty. Jason Torres, Chief, Regional Investigation Division, CABAMIRO at NBI-Intellectual Property Rights Division Ex O John Ignacio ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa patuloy na paglaganap ng iligal na sigarilyo.

Ayon sa BIR, ipinagpapalagay na P50 bilyong piso hanggang P100 bilyong piso ang nawala sa tax revenue taon-taon.
Sa ulat, nakumpiska ng raiding teams ang 1.6 milyong pakete ng illegal na sigarilyo na nagkakahalaga ng P184.7 milyong piso mula sa bodega sa Dasmarinas.

Nasa 1.1 milyong pakete ng pekeng sigarilyo naman ang nasamsam sa pabrika ng Indang na nagkakahalaga ng P126.6 milyong piso, mayroong “two lines of cigarette making machines at two lines of cigarette packing machines.”

Samantala, isa namang hiwalay na pabrika sa Dasmarinas ang nagtatago ng “two lines of cigarette making machines and two lines of cigarette packing machines” at may nakaimbak na 408,000 pakete ng sigarilyo na nagkakahalaga ng P46.76 milyong piso.

Ang bawat machine line ay may kakayahan na mag-produce ng 175 pakete kada minuto o hanggang 43.7 milyon pakete sa isang taon, ibig sabihin ay P2.7 bilyong piso ang malulugi sa basic excise tax revenues kung ipagpapatuloy ng mga ito ang kanilang illegal production.

Samantala, kabilang sa mga brand ng sigarilyo na nakumpiska sa bodega ay Carnival, HP, Troy, Cannon, Victor Agila, New Orleans, Two Moon at Fort, ang lahat ng ito ay pawang mga hindi rehistrado sa BIR at walang anumang tax stamps o mandatoryong graphic health warning ng DOH.

Sa kabilang dako, patuloy namang nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang mga awtoridad dahil may 12 Chinese nationals ang sinasabing nagmamando sa nabanggit na operasyon habang ang lupa at gusali ng pabrika at bodega ay natuklasang pinauupahan lamang.

Ang operasyon ay resulta ng serye ng pagbabantay at pagmamatyag ng NBI para kalusin ang mga organisadong krimen. Ang pagkilos sa intelligence na ibinigay ng NBI ang dahilan ng pagpapalabas ng BIR ng Mission Orders para ituloy ang pagsalakay. Kris Jose

Previous articleIbinubugang gas ng Taal tumataas – Phivolcs
Next articleMga kababaihan kinilala ng CSC sa Search for Outstanding Gov’t Workers