Home NATIONWIDE Paggiit ng soberanya ng Pinas sa WPS suportado ng LGUs

Paggiit ng soberanya ng Pinas sa WPS suportado ng LGUs

MANILA, Philippines- Tinatayang 34 local government units (LGUs) ang nagpahayag ng kanilang suporta para pagtibayin ang soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) sa gitna ng agresibong aksyon ng Tsina.

Sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. na nakatanggap ang DILG ng ‘manifestation of support’ para protektahan ang interest ng bansa sa WPS.

“They came together to express support in safeguarding the Philippine Seaat tiningnan namin anong mga kailangan nila – mga patubig ba ito, mga pa-ilaw,etcetera,” ayon sa Kalihim.

Ang resolusyon ay kabilang sa kinalabasan o resulta ng unang National Summit for the West Philippine Sea ng DILG noong nakaraang taon.

Layon nito na lumikha ng ‘common vision’ at i-develop ang ‘plan of action’ para sa mas “secure, sustainable, prosperous future” para sa WPS, partikular na sa hanay ng LGUs sa coastal areas.

Sa kabilang dako, sa naging talumpati ng Pangulo sa ika-503 na anibersaryo ng Victory of Mactan sa Liberty Shrine sa Lapu-Lapu City, Cebu, pinuri nito ang mga Pilipino para sa kanilang pagiging makabayan na makikita sa pamamagitan ng kanilang sama-samang pagsisikap para igiit ang sovereign rights alinsunod sa international law and order.

Winika ng Pangulo na ang pagiging makabayan ay makikita sa bawat Pilipino sa pamamagitan ng kanilang “valor at selfless participation” para sa nation-building.

“Ito ay nakikita sa pagmamahal natin sa ating kapwa, pag-aaruga sa mga napinsala, pagtulong sa mga nagdarahop, at pagtanggol sa mga inaapi,” ayon sa Chief Executive.

“Ito ay nakikita sa matapang nating paggiit sa ating karapatan at sa pagtanggol kung ano ang atin ayon sa ilalim ng batas, sang-ayon sa pandaigdigang kaayusan at sa mata ng ating Diyos,” dagdag na wika nito.

Ang matatag na posisyon ng Pilipinas laban sa Tsina ang isa sa mga dahilan kung bakit pinangalanan si Pangulong Marcos bilang isa sa “100 most influential people” sa buong mundo ng 99-year-old American publication Time Magazine. Kris Jose