Home NATIONWIDE MWSS: Water supply sapat sa gitna ng epekto ng El Niño sa...

MWSS: Water supply sapat sa gitna ng epekto ng El Niño sa Angat Dam

MANILA, Philippines- Sinabi ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) nitong Linggo na sapat pa rin ang suplay ng tubig para sa pangangailangan ng consumers sa gitna ng bumababang water level sa Angat Dam dahil sa El Niño.

“Sa ngayon, naibibigay pa naman ng ating Angat Dam ‘yung pangangailangan natin para hindi magkaroon ng tinatawag nating pila-balde sa kalye na naranasan natin noong 2019,” pahayag ni MWSS spokesperson at water and sewerage management department manager Engr. Patrick James Dizon sa isang panayam.

“Sa ngayon ay sufficient pa naman ‘yung ating tubig na nanggagaling sa Angat (Dam),” dagdag niya.

“Sa ngayon po, 90% ng pinagkukuhanan natin ng tubig dito sa Metro Manila, Rizal, portions ng Cavite at saka Bulacan ay nanggagaling sa Angat Dam,” ayon pa kay Dizon.

Binabantayan ng MWSS ang water level sa Angat Dam, aniya.

Batay sa datos ng PAGASA, hanggang alas-8 ng umaga ngayong Linggo, ang water level sa Angat Dam reservoir ay 188.81 metro. Mas mababa ito kumpara sa 189.17 metrong naitala noong Sabado, alas-6 ng umaga.

Ani Dizon, ang minimum operating level ng Angat Dam ay 180 metro habang ang critical level ay 160 metro.

“Sa ating nagiging projection ay hindi naman aabot dito sa critical level na 160 meters,” wika niya.

“Sa ganitong buwan ay talagang pababa ang ating reservoir (Angat Dam) kasi walang pag-uulan sa ating mga watershed.”

“Same din ‘yan sa mga nakaraang taon, El Niño man ‘yan, La Niña man ‘yan, o ‘yung mga normal situation ay talagang pababa ‘yung reservoir natin sa ganitong buwan. Pero pagdating naman ng June, July hanggang August ay paakyat na rin ‘yan kasi mararanasan natin ‘yung pag-ulan sa ating mga watershed. That’s the time na magre-refill,” paliwanag pa ni Dizon.

Nagpatupad ang MWSS sa tulong ng concessionaires nitong Maynilad at Manila Water, ng augmentation measures bilang paghahanda para sa El Niño, kabilang ang karagdagang water plant sa Rizal at rehabilitasyon ng mahigit 100 deep wells, na maaaring magamit sakaling kailanganin, base kay Dizon. RNT/SA