MANILA, Philippines- Isasailalim ang Luzon Grid sa yellow alert status ngayong Lunes ng hapon, May 13, 2024, sa gitna ng pananatili ng 20 planta sa forced outage, ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Sa abisong inilabas nitong alas-8 ng umaga, sinabi ng NGCP na ilalagay ang Luzon Grid sa ilalim ng yellow alert mula alas-2 hanggang alas-4 ng hapon, sa pagkakaroon ng available peak capacity na 14,640 megawatts (MW) kumpara sa peak demand na 13,446 MW.
Inilalabas ang yellow alert kapag ang operating margin ay hindi sapat upang tugunan ang contingency requirement ng transmission grid.
Inihayag ng NGCP na limang planta ang nasa forced outage mula 2023, lima pa sa pagitan ng January at March 2024, at 10 sa pagitan ng April at May 2024.
Samantala, apat na planta ang patuloy ang operasyon sa derated capacities.
“[These make up] for a total of 2,050.5MW unavailable to the grid,” wika ng NGCP. RNT/SA