MANILA, Philippines- Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang “grace period” sa pagbabawal ng piling electric vehicles sa national roads, kung saan hindi titiketan at pagmumultahin ang violators.
Sinabi ni Marcos nitong Huwebes na inatasan niya ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at local government units sa Metro Manila na bigyan ng palugit ang e-bikes, e-trikes, at iba pang apektadong sasakyan na patuloy na dumaraan sa national roads ng Metro Manila.
Hindi naman siya nagbigay ng timeline para sa grace period.
“Ang sakop ng grace period ay hindi pag-ticket, pag-multa, at pag-impound ng mga e-trike,” anang Pangulo.
“Kung paparahin man sila, ito ay upang maayos na maituro ang mga kalsadang maari nilang gamitin, pati na ang pagpapaalala ng mga bagong patakaran na ipinapatupad upang paigtingin ang kaligtasan at kaayusan sa mga lansangan,” patuloy niya.
Umiral ang ban sa tricycles, puscharts, pedicabs, kuligligs, e-bikes, e-trikes, at light e-vehicles (EVs) sa nasa 20 national roads sa Metro Manila nitong Lunes, Abril 15, 2024.
“Kailangan pang magbigay ng sapat na panahon para sa malawak na pagsisiwalat ng impormasyon hinggil sa ban na ating ipinapatupad,” wika ni Marcos.
Base sa MMDA, saklaw ng ban ang sumusunod na mga kalsada:
Recto Avenue
Pres. Quirino Avenue
Araneta Avenue
Epifanio Delos Santos Avenue
Katipunan/C.P. Garcia
Southeast Metro Manila Expressway
Roxas Boulevard
Taft Avenue
Osmeña Highway or South Super Highway
Shaw Boulevard
Ortigas Avenue
Magsaysay Boulevard/ Aurora Boulevard
Quezon Avenue/ Commonwealth Avenue
A. Bonifacio Avenue
Rizal Avenue
Del Pan/Marcos Highway/ McArthur Highway
Elliptical Road
Mindanao Avenue
Marcos Highway
Boni Avenue
España Boulevard