Home OPINION TATLONG LUNGSOD NAPABILANG SA MAY PINAKAMALINIS NA HANGIN SA ASEAN REGION

TATLONG LUNGSOD NAPABILANG SA MAY PINAKAMALINIS NA HANGIN SA ASEAN REGION

BAGAMA’T nasa ranggong 79th ang Pilipinas bilang “most pollu­ted country” sa buong mundo ay may tatlong lungsod pa rin ang napanatiling malinis ang kalidad ng hangin, ayon sa inilabas na 2023 World Air Quality Report ng isang Swiss air-quality company.
Ito ay ang Calamba City, Laguna; Carmona City, Cavite; at Balanga City, Bataan.

Ang mga lungsod ng Calamba at Carmona ay napabilang sa mga lungsod sa Southeast Asian region na may “safest air qua­lity” sa puwestong ika-anim at ika-siyam na puwesto ayon sa pagkakasunod.

Habang nasa ika-labing isang puwesto ang Balanga.
Para sa kabuuan ay bahagya namang bumuti ang kalidad ng hangin nitong 2023 na nasa 13.5 microgrammes per meter (13.5 μg/m³) kumpara sa 14.9 μg/m³ noong 2022. Pero tatlong beses pa rin itong lumagpas sa safe level na itinakda ng WHO o World Health Organization na 5 μg/m³.

May pinakamaruming hangin naman ang mga lungsod ng Mandaluyong, Parañaque, San Juan at Taguig.
Alam n’yo bang nasa 16th place tayo batay sa country profile ng WHO o World Health Organization kung saan 4.26% ng ating populasyon ang namamatay kada taon sanhi ng karamdaman sa baga?

Apat ang pangunahing sakit sa baga na pumapatay sa ating mga kababayan taon-taon, kabilang sa top ten killer diseases ang pneumonia, tuberculosis, chronic obstructive pulmonary disease at ang lung cancer.

Sa pamantayan ng WHO, ang madalas na pagkalanghap ng maruming hangin ay maaaring magresulta sa pagkakaroon ng cardiovascular diseases, respiratory diseases at lung cancer.
Ipagpapatuloy ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang adhikaing mapataas ang kalidad ng hangin, bahagi ng mandato ng Departamento na siguraduhing ganap na maipatutupad ang batas pang-kalikasan, kasama na ang Republic Act No. 8749 o ang Philippine Clean Air Act ng 1999.

Ang malawakang pagpapatupad ng batas ay patuloy na ga­­gamitin ng DENR upang maisakatuparan ang mandatong mapataas ang kalidad ng hanging ating nilalanghap.