Home OPINION 1 BATALYON NA POLICE SCALAWAG

1 BATALYON NA POLICE SCALAWAG

SINABI ni National Capital Region Police Office Director Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na nasa 500 nang pulis ang nasibak sa serbisyo sa kanyang nasasakupan simula noong Hulyo 2023 hanggang sa araw na ito.

‘Yun bang === hindi na pulis ang 500 makaraang mapatunayang nagkasala sa mga administratibo o/at kriminal na kaso.

Sa kasong adminitratibong, masisibak lang sa pulisya ang mapatutunayang nagkasala habang sa mga kasong kriminal, kulong at pagkasibak ang mga parusa

Kabilang sa mga kasong kinasasangkutan nila ang droga, kidnapping-for-ransom, carnapping, robbery-extortion, pagpatay at iba pa.

Sa drogang P6.7 bilyon sa Maynila noong 2022, may ilan sa 50 pulis at dalawang heneral na nasibak at nakulong nitong Hulyo 2023-Hunyo 2024.

Ngunit may mga hindi natuto gaya ng kahuhuli lang na si Cpl. Neil Bagunu, 31, ng National Police Training Institute.

Kamakailan lang, may nasangkot din sa kidnapping-for-ransom ng mga dayuhan gaya nina Police Maj. Christel Carlo A Villanueva, intelligence officer ng Pasay City Police Station; Police Senior Master Sgt. Angelito David, ng Makati City Police Station Motorcycle Unit; Police Staff Sgt. Ralph Tumanguil, ng Regional Logistics Division ng NCRPO; at Police Master Sgt. Ricky Tabora, ng Regional Headquarters Support Unit, NCRPO.

Isa namang Lt. Col. Gideon Ines Jr. ang nasangkot sa “rent-tangay” at carnapping sa Parañaque City.

Suspek naman sa pagpatay sa kapwa nila pulis sina Southern Police District Station 1 Police Captain Kenny John Rapiz, Corporal Arnel Paglicawan and Patrolman Hanz Christian Francisco, Patrolman Rannie Cruz and Patrolman Marielle Benedito.

Unang inaresto nina Cruz at Benedito ang pinatay na pulis sa umano’y pagnanakaw sa isang dayuhan sa JP Rizal Extension Barangay Cembo, Taguig City noong gabi ng Mayo 22.

Kinabukasan, natagpuan na ang bangkay ng pulis sa Brgy. Kalayaan, Angono, Rizal.

Sakaling mapatunayang nagkasala sina Bagunu, Villanueva at mga kasama nito, Ines, Rapiz at mga kasama nito, tiyak na isasama sila ni Gen. Nartatez sa listahan ng mga iskalawag at nasibak.

NAPAKALAKING PWERSA

Hindi biro-biro ang 500 pulis o isang batalyon na gumagawa ng mga seryosong krimen at iba pang paglabag sa mga sinumpaan nilang tungkulin.

Akalain mo, armado, unipormado, de-tsapa, gumagamit ng mga patrol car na may tatak na to Serve and To Protect” at tauhan  ng pamahalaan ang gumagawa mismo ng mga krimen!

Napakalaking pwersa ‘yan na kung hindi nabalian ng sungay, tiyak na magpapatuloy ang kademonyohan na ikinapipinsala ng mga mamamayan at dangal ng bansa, maging sa mga dayuhan.

Ang masama, karaniwan nilang biktima ang mga inosenteng sibilyan at walang kalaban-laban.

Nawawalan tuloy ng respeto at pagmamalasakit ang maraming mamamayan sa mga pulis na tunay namang napakalungkot na kalagayan, lalo’t mukha pa naman sila ng pamahalaan.

Ang consuelo lamang, higit pa ring nakararami ang mga pulis na tapat sa mga mamamayan at sa batas at nakahanda ang Philippine National Police na ibasura ang mga iskalawag para hindi sila tularan.