MANILA, Philippines – Arestado ng mga awtoridad ang nasa 10 Chinese nationals na umano’y nag-ooperate ng small-scale scam hub sa mga residential houses sa Bataan.
Nilusob ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nasa tatlong bahay na hinihinalang ginagamit para sa online scamming activities.
Natagpuan nila sa loob ng mga ito ang mga computer, electronic gadgets, at satellite internet system na pinaniniwalaang ginagamit upang maiwasan na ma-detect ng local internet providers.
Sa operasyon, kinumpiska on the spot ang cellphone ng unang Chinese national na naabutan dito.
Naabutan naman ang iba pang Chinese na nagtatago sa loob ng mga cabinet at closet, habang ginagalugad ng mga ahente ng NBI ang lugar.
Ayon kay NBI Intelligence Division Assistant Director Noel Bocaling, ang mga suspek ay mga dating miyembro ng mas malaking Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) group.
Matapos na buwagin ng pamahalaan ang malalaking POGO hub sa Porac, Pampanga, na kapareho ng iniuugnay kay Alice Guo, ang ilan sa mga miyembro nito ay nagtayo ng mas maliliit na independent groups para magpatuloy sa operasyon.
“Yung kaso ni Alice Guo at sa Porac na na-dismantle ng PAOCC, nung dinismantle nila yan, marami ang nakatakas. Nung tumakas, di na sila nag-amo, sila-sila ang nagcreate ng grupo-grupo nila. Yung mga cellphones na gamit nila doon nakatakip ang mga camera para di makita ng mga kausap nila,” ani Bocaling.
Nakatanggap ang mga awtoridad ng tip matapos na madiskubreng ang isa sa mga bahay na nirerentahan ng grupo ay pagmamay-ari ng anak ng isang dating NBI agent.
“Nagkamali sila dahil yung mayari ng inuupahan nila yung anak dating NBI agent. Ang asset natin diyan Chinese din na ayaw na ayaw na ganyan,” dagdag pa.
Ang 10 naarestong indibidwal ay mahaharap sa mga reklamong paglabag sa Anti-Financial Account Scamming Act.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng NBI ang mga suspek. RNT/JGC