Home NATIONWIDE 10 estudyanteng Caviteño, lalahok sa World Robot Games sa Taiwan

10 estudyanteng Caviteño, lalahok sa World Robot Games sa Taiwan

262
0

MANILA, Philippines – Nasa Sampung (10) batang innovator mula sa Cavite ang nakatakdang kumatawan sa Pilipinas sa darating na World Robot Games (WRG) na gaganapin sa Taiwan mula Nobyembre 26 hanggang 29, 2025. Ang prestihiyosong kumpetisyong ito ay inaasahang lalahukan ng daan-daang kabataang robotics enthusiasts mula sa iba’t ibang bansa sa Asya at Europa.

Ang mga kalahok na Caviteño ay kinabibilangan nina Andrei Jiggerson H. Samaniego, Claude Ron R. Abriol, Fiona Nathalie J. Rosga, Bryzen R. Villanueva, Solenn Marie L. Quejado, Kylle Mathew M. Gaudiel, John Macklein DG Valdez, Kelvin Caisser Delos Reyes, at Sean Andianne A. Santos, na pawang mga estudyante ng Cavite National High School- Senior High School at Keisha Elhynor B. Veras ng Garita Elem. School na pawang dumaan sa masusing lokal at rehiyonal na eliminations upang makamit ang puwesto sa pambansang delegasyon.

Kabilang sila sa mga nanguna sa kategoryang ibeam, sumo auto, beam battle,  robot soccer, ball fight, autonomous programming, line tracing, one minute games, at soccer bots, na lahat ay tampok sa taunang paligsahan. Na gagabayan ng apat na coach na sina Jellina J. Rosga, Rolan E. Briones, Justin Manuel F. Fauni, at Amy F. Frilles.

Ayon sa kanilang coach na si Teacher Jellina Rosga , puspusan ang naging paghahanda ng grupo sa loob ng ilang buwan. Sinanay sila hindi lamang sa teknikal na aspeto ng robotics, kundi pati sa teamwork, problem-solving, at real-time decision-making—mga kakayahang kritikal sa international competitions.

Ipinahayag naman ng mga magulang at guro ang buong suporta sa mga kabataang delegado. Para sa kanila, malaking karangalan hindi lamang sa Cavite kundi sa buong Pilipinas ang pagkakasama ng mga mag-aaral sa isang pandaigdigang kompetisyon.

“Ang laban naming ito sa ibang bansa para sa World Robot Games ay hindi lang tungkol sa pagbuo ng robot—ito ay laban ng puso, pangarap, at tapang. Sa bawat piyesa at bawat coding na pinagpuyatan namin, dala namin ang kwento ng pag-asa at sakripisyo. Habang hinaharap namin ang mundo, ipinaglalaban namin hindi lang ang tropeo, kundi ang pangarap ng bawat kabataang Pilipinong naniniwalang kaya nilang makarating sa pinakamataas, saan mang dako ng mundo”, mensahe ni Andrei Samaniego.

Inaasahang magsisilbi ang kanilang paglahok bilang inspirasyon sa iba pang kabataang Pilipino na nahihilig sa agham, teknolohiya, inhenyeriya, at matematika (STEM). Tiwala ang kanilang komunidad na kaya nilang mag-uwi ng karangalan at patunayan ang husay ng mga Pilipino sa larangan ng robotics. MARGIE BAUTISTA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here