MANILA, Philippines – Iniulat ng municipal government ng Catarman, Northern Samar na namaay ang mahigit isang daang mga baboy sa 50 backyard raisers matapos makitaan ng sintomas ng African swine fever (ASF).
Ang mga baboy ay inaalagaan sa walong mga barangay na itinapon ng kani-kanilang mga may-ari bilang bahagi ng protocol sa paghawak ng mga may sakit na baboy, ani Rachel Arnaiz, municipal information officer.
Aniya, hindi pa nila makumpirma kung ang mga baboy ay nasawi dahil sa ASF “although they displayed ASF-like symptoms,” katulad ng mataas na lagnat, pamumula ng balat, kawalan ng ganang kumain, pagsusuka, panghihina, at ubo.
Ani Vivencio Moreno, slaughterhouse master and meat control officer, wala pa silang eksaktong bilang ng mga nasawing baboy “because the owners either butchered their pigs and sold them or they immediately buried them in a pit” upang maiwasan ang pagkalat ng bacteria.
Kasalukuyang nasa pink zone category ang Catarman na nangangahulugang malapit ito sa isang infected area o isang ASF-free area.
Inatasan na ni Catarman Mayor Francisco Aurelio Rosales III ang Municipal Agriculture Office na kumuha ng blood samples ng mga baboy na dinala sa local slaughterhouse at ang mga buhay na baboy na inaalagaan sa mga barangay na malapit sa lugar kung saan may hinihinalang kaso ng ASF.
Para maiwasan ang pagkalat ng ASF sa probinsya, ipinagbawal ni Northern Samar Gov. Edwin Ongchuan ang pagbiyahe ng mga buhay na baboy at pork products mula sa mga lugar na may hinihinalang kaso ng ASF gaya ng mga bayan ng Las Navas, Catubig at Laoang. RNT/JGC