IFUGAO, Philippines – Arestado ang 11 katao matapos masangkot sa umanoy ilegal na sabungan na nadiskubre sa Cambulo, Banaue, Ifugao.
Kinabibilangan ng mga residente sa nasabing Barangay at ilang dayuhan malapit sa lugar ang mga nahuling sabungero.
Nanguna sa operasyon ang Provincial Intelligence Unit (PIU)-Ifugao, Banaue Municipal Police Station at 2nd Ifugao Provincial Mobile Force Company na nagbunga sa pagkaka-aresto ng mga suspek.
Nahuli ang mga pinaghihinalaan na may kaniya-kaniyang bitbit na panabong na manok na kanilang panlaban sa sabong na tinatawag na “Jolo.” sa kanilang lugar habang nakumpiska pa sa area ang dalawang (2) oriental fighting cock at panaya na umaabot sa Php 3,500.00.
Isinailalim sa imbentaryo ang mga nasabing ebidensiya sa harap ng mga Barangay opisyal sa lugar at ng mga suspek na mahaharap sa paglabag sa Presidential Decree No. 1602 na inamyendahan bilang Republic Act No. 928 o Illegal Gambling Act. (REY VELASCO)