MANILA, Philippines – Nagimbal ang mga kawani ng media nang makarinig ng magkakasunod na alingawngaw ng mistulang putok ng baril sa ikalawang palapag ng Senado nitong Miyerkoles ng gabi.
Ang mga kaganapan ay kasunod ng mga balitang posibleng pag-aresto kay Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa bunsod ng inilabas ng ICC warrant.
Bandang alas-7 ng gabi nang nagkumpulan ang mga kawani ng media sa unang palapag ng Senado dahil sa naririnig na ingay mula sa isang pinto na nagdudugtong sa GSIS building at sa Senado.
Mistulang binabarena at gina-grinder ang nasabing pinto kaya naman nakatambay ang media para malaman kung ano ang kaganapan.
Humarap naman sa media ang isang kawani ng Office of the Sergeant-at-Arms at pinakakalma ang mga ito.
Maya-maya pa ay nagtakbuhan ang mga kawani ng media papunta sa ikalawang palapag ng Senado. Inakala nila na mayroon lamang presscon na magaganap pero sunod-sunod na alingawngaw ng baril ang narinig.
Nagpulasan habang sumisigaw ang mga kawani ng media at ilang mga empleyado mula sa ikalawang palapag hanggang sa inilikas na ang mga ito sa gusali ng Senado.
Sa ngayon ay hindi pa rin malinaw kung tunog nga ba ng baril ang narinig, kung may sugatan, o kung ano ang tunay na nangyari sa Senado.
Sa ngayon ay tuluyan nang isinara ang gusali ng Senado. RNT