Home NATIONWIDE 11 lugar, Signal no. 1 kay Ada

11 lugar, Signal no. 1 kay Ada

217
0

MANILA, Philippines – Bahagyang lumakas ang Tropical Depression Ada habang kumikilos sa Philippine Sea sa silangan ng Mindanao, at nananatiling nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ang 11 lugar nitong Huwebes ng umaga, ayon sa pinakahuling bulletin ng PAGASA.

Bandang alas-5 ng umaga, tinatayang nasa 385 kilometro silangan-hilagang-silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur, o 465 kilometro silangan ng Surigao City, Surigao del Norte ang sentro ng Ada.

Mayroon itong lakas ng hangin na 55 kilometro kada oras malapit sa sentro, pagbugsong hanggang 70 km/h, at central pressure na 1000 hPa. Kumikilos ito pahilagang-kanluran sa bilis na 20 km/h, at umaabot hanggang 400 kilometro mula sa sentro ang malalakas na hangin.

Nakataas ang Signal No. 1 sa Sorsogon at timog-silangang bahagi ng Albay sa Luzon; Northern Samar, Samar, Eastern Samar, silangang Biliran, silangang Leyte, at silangang Southern Leyte sa Visayas; at Dinagat Islands, Surigao del Norte, at Surigao del Sur sa Mindanao.

Ayon sa PAGASA, inaasahang aabot sa 50 hanggang 100 milimetro ang ulan sa Northern Samar, Eastern Samar, Leyte, Southern Leyte, Dinagat Islands, Surigao del Norte, at Surigao del Sur.

Posible rin ang malalakas hanggang mala-bagyong bugso ng hangin dulot ng Northeast Monsoon at ng periphery ng Ada sa ilang lugar, kabilang ang Batanes, hilagang Luzon, bahagi ng CALABARZON, Bicol Region, at Central Visayas.

“The wind signals warn the public of the general wind threat over an area due to the tropical cyclone. Local winds may be slightly stronger/enhanced in coastal and upland/mountainous areas exposed to winds. Winds are less strong in areas sheltered from the prevailing wind direction,” ayon sa PAGASA.

Inaasahan ang maalong dagat na aabot hanggang 4.0 metro sa mga baybayin ng Catanduanes, Northern Samar, Eastern Samar, at Dinagat Islands, kaya’t pinapayuhan ang maliliit na sasakyang pandagat na huwag pumalaot. Posible rin ang katamtaman hanggang maalong dagat sa iba pang silangang baybayin.

Sinabi ng PAGASA na kikilos pahilagang-kanluran ang Ada hanggang Linggo bago lumihis pahilagang-silangan pagsapit ng Lunes. Maaaring dumaan ito malapit sa Eastern Samar at Northern Samar sa Biyernes o Sabado bago lumapit sa Catanduanes sa Linggo. Ang posibleng paglihis pakanluran ay maaaring magdulot ng landfall sa Eastern Visayas at Bicol Region.

“Ada is forecast to reach tropical storm category today and will continue to gradually intensify while moving over the Philippine Sea,” dagdag ng ahensiya. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here