ANO-ANO na ba ang nangyayari sa mahal kong Pinas?
Malinaw kasing nagkakagulo na, mga Bro, lalo na sa parte ng mga nasa matataas na pwesto ng gobyerno.
IMPEACHMENT VS PBBM, VP SARA
Dalawang impeachment umano ang niluluto sa Kamara.
Isa ang laban kay Pangulong Bongbong Marcos at isa ang laban kay Vice President Sara Duterte.
Kung sakaling magkatotoo ang mga balita rito, baka mauna pang masampahan ng impeachment si PBBM dahil magsisimula ang sesyon ng Kongreso sa Enero 19, 2026.
Sa parte naman ni VP Sara, magsisimula ang pagsasampa ng kaso sa Pebrero 6, 2026 dahil sa desisyon ng Supreme Court dito.
Ayon kay Caloocan Congressman Egay Erice, magmumula sa mga mayorya at independiyente na kongresman at wala mula sa minorya ang magsasampa ng impeachment.
Mga makakaliwang grupo naman sa Kamara ang mang-i-impeach kay VP Sara.
Ayon naman kay Cong. Benny Abante, malamig ang pagtrato ng mga kasamahan niya sa impeachment laban kay VP Sara at malalaman pa sa mga susunod na araw kung magkaroon ng pagbabago bago mag-Pebrero 6.
Aniya, nawawalan ng lakas ng loob ang mga kongresman dahil hindi sila sigurado sa magiging kapalaran ng kaso sa Senado, lalo’t may mga suporter umano si VP Sara sa hanay ng mga senador.
May mangilan-ngilan lang naman ang tumatanggi na i-impeach si PBBM dahil sa kawalan pa ng malinaw at matibay na batayan para rito.
Kuwestiyunable umanong ituring na betrayal of public trust o pagtataksil sa pagtitiwala ng taumbayan ang pagpirma ni PBBM sa mga General Appropriations Act noong 2023, 2024 at 2025 na alam niyang puno mahigit P1 trilyong anomalya at kikbakan, kasama na ang sa flood control projects.
Betrayal of public trust din ang tawag ng mga makakaliwa sa hindi umano maipaliwanag ni VP Sara na P125 milyong confidential fund.
CABRAL FILES VS CABRAL FILES
Naguguluhan din ang taumbayan ukol sa Cabral Files o mga rekord ng anomalya at kikbakan sa Department of Public Works and Highways na laman ng rekord ni namatay nang DPWH Undersecretary Cathy Cabral.
Sa ngayon, marami umano ang may hawak sa mga rekord ni Cabral at kasama na rito ang hawak pa ng DPWH, Office of the Ombudsman at ni Batangas Congressman Leandro Legarda Leviste.
Giit ng Palasyo at ng Ombudsman, tanging ang hawak na iba-validate o susuriin ng Ombudsman ang tatayong tunay na kopya at lahat ng nasa labas nito, maging ang hawak ni Leviste, ay ituturing na peke o walang saysay, lalo na sa ligal ng antas.
Ang problema, mga Bro, paano kung magkaroon ng malalaking pagkakaiba ang Ombudsman Files at ibang File o sabihin nating Leviste Files.
Paano kung magkakaroon ng dagdag-bawas ang nasa Ombudsman at wala nito sa Leviste Files at iba pa?
Sa Cabral Files, naroroon ang mga pangalan ng lahat ng kongresman, senador at taga-Malakanyang na nagkaroon ng mga insertion sa flood control projects at iba pa at posibleng kumikbak na rin.
Ang gulo na lahat at pinagugulo pa.






