Home METRO 11 sapul ng HIV sa Davao positibo rin sa monkeypox – SPMC

11 sapul ng HIV sa Davao positibo rin sa monkeypox – SPMC

269
0

DAVAO CITY– Kinumpirma ng Southern Philippines Medical Center (SPMC) na 11 sa 14 pasyente ng monkeypox (mpox) sa kanilang ospital ay positibo rin sa human immunodeficiency virus (HIV), dahilan upang mas lalo silang mahawaan ng impeksyon.

Ayon kay SPMC chief Dr. Ricardo Audan, pito sa mga pasyente ay kasalukuyang naka-confine, habang pito pa ang na-discharge—dalawa sa kanila ay gumaling na, tatlo ang negatibo sa mpox, isa ang namatay na positibo, at isa ang namatay na negatibo sa mpox.

Isang pasyente na naunang naka-discharge ay muling na-confine matapos makaranas ng relapse, dahilan para maging pito ulit ang aktibong kaso.

Karamihan sa mga pasyente ay lalaki, ayon kay Audan, at walang travel history sa labas ng bansa maliban sa isa. Pinaniniwalaang skin-to-skin o sexual contact ang posibleng mode of transmission.

Batay sa datos ng Emerging and Re-emerging Infectious Diseases, may pitong kumpirmadong mpox cases sa Davao City mula Enero 1 hanggang Hunyo 2. Sa 49 close contacts, 35 ang natapos na ang 21-day monitoring, habang 14 pa ang inoobserbahan.

Tiniyak ni Audan na handa ang ospital para sa mpox gaya ng naging tugon nila noong pandemya. May hiwalay na isolation rooms na may negative pressure system at 19 kama ang inilaan para rito.

Dagdag pa ni Audan, wala dapat ikatakot ang publiko. Hindi airborne ang mpox ngunit pinayuhan pa rin ang lahat na magsuot ng face mask sa matataong lugar bilang pag-iingat.

Hinimok din niya ang mga mamamayan na magpanatili ng kalinisan, iwasan ang mataas na panganib na kontak, at agad magpakonsulta kung may sintomas.

Samantala, ipinahayag din ni Audan ang pag-aalala ng Department of Health sa pagtaas ng HIV cases, lalo na sa hanay ng Gen Z. May 148,831 aktibong HIV cases sa bansa sa ngayon. Sa Davao Region, Davao City ang nangunguna sa kaso ng HIV.

Ayon kay DOH Secretary Teodoro Herbosa, tumaas ng 500% ang HIV infections sa bansa, na may 57 bagong kaso kada araw mula Enero hanggang Marso 2025. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here