MANILA, Philippines- Ibinahagi ng Bureau of Immigration (BI) na umabot na sa kabuuang 122,473 dayuhan sa Pilipinas ang nakakumpleto ng kanilang mandatory annual reporting sa bago ang deadline nitong Marso 1.
Ito ay matapos paalalahanan ng pamunuan ng BI ang lahat ng mga rehistradong dayuhan na kumpletuhin ang kanilang 2025 Annual Report bago ang March 1 deadline, na binibigyang-diin ang kadalian at kaginhawahan ng online system nito bilang bahagi ng pagsisikap ng gobyerno sa digital transformation.
Ang online platform ng BI ay nagbibigay-daan sa mga nagpaparehistro na tuparin ang kanilang obligasyon nang hindi nangangailangan ng pisikal na pagbisita, pagbabawas ng mga pila at oras ng pagproseso.
Noong Pebrero 20, may kabuuang 122,473 na dayuhan ang nakakumpleto na ng kanilang taunang ulat. Gayunman, hinihimok ng BI ang mga hindi pa sumunod na gawin ito kaagad, na iginiit na ang hindi pag-uulat sa loob ng unang 60 araw ng taon ay maaaring magresulta sa mga multa, parusa, at maging deportasyon.
Sa ilalim ng batas ng Pilipinas, lahat ng mga rehistradong dayuhan—kabilang ang mga nagtatrabaho, naninirahan, at nag-aaral sa bansa—ay dapat kumpletuhin ang taunang ulat para mai-update ang kanilang mga tala sa BI. JR Reyes