MANILA, Philippines – Isang 13-anyos na dalagita na inutusan lamang bumili ng alak at yelo ang natagpuang patay sa isang tubuhan sa Candoni, Negros Occidental matapos hindi na makauwi.
Ayon sa ulat, nakita ang bangkay sa Barangay West noong Abril 27, dalawang araw matapos siyang huling makita noong Abril 26 nang umalis upang bumili ng yelo at alak sa isang tindahan sa Barangay Haba.
Batay kay Police Captain Leonel Adoracion, hepe ng Candoni Municipal Police Station, ang biktima ay natagpuang nakahiga sa gitna ng tubuhan, nakasuot ng leggings at bahagyang nakataas ang kanyang damit, at may sugat sa noo.
Posible umanong matigas na bagay o patalim ang ginamit sa krimen.
Ang bangkay ay natagpuan sa layong humigit-kumulang tatlong kilometro mula sa kanilang bahay.
Isasailalim sa autopsy ang bangkay habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya at may tinututukang person of interest na ang mga awtoridad. Mary Anne Sapico