MANILA, Philippines – Patay ang isang 16-anyos na lalaki sa Cabuyao, Laguna matapos itong pagbabarilin sa ulo sa loob ng barangay hall dahil sa umano’y pagnanakaw ng mga bakal.
Kinilala ang biktima sa alyas na “Dadoy” na inimbitahan umano sa barangay hall noong Linggo ng gabi sa gitna ng umano’y pagkakasangkot nito sa pagnanakaw.
Hindi na siya nakabalik nang buhay sa kanyang pamilya noong gabing iyon, ayon pa sa imbestigasyon.
“May pumunta po dito na hinahanap daw po yung anak ko at sangkot daw po siya sa pagnanakaw po ng bakal. Pumunta raw po ‘yung anak ko doon,” ani Malou Valenzuela, ina ng biktima.
Ang suspek ay isang magsasaka kung saan ninakaw umano ni “Dadoy” ang mga bakal at pera. Lasing siya pagdating sa barangay hall, sabi ng pulis.
“Itong bata natin ay nandoon lang para sa pagtatanong tungkol sa mga nangyayaring theft incident,” ani Cabuyao Police chief Lieutenant Colonel John Eric Antonio.
“Biglang dumating tong suspek na tinatanong natin yung bata sa barangay hall tapos eto na ang nangyari.”
Ang suspek ay inaresto ng mga awtoridad, ngunit hindi na nakuha sa kanya ang baril.
“Ito po ang current na nire-recover namin dahil accordingly upon escape niya ay itinapon niya somewhere yung ginamit niyang firearm,” ani Antonio.
Inamin ng suspek ang kanyang krimen at sumailalim sa inquest proceedings para sa mga kasong murder.
Sa kabilang banda, naniniwala ang pamilya ni “Dadoy” na may mga lapses sa bahagi ng barangay matapos siyang pagbabarilin sa loob ng pasilidad. RNT