Home OPINION PAGBABAGO SA MAYNILA

PAGBABAGO SA MAYNILA

KINAKIKITAAN na ngayon ng pagbabago ang ilang tanggapan sa Maynila simula nang magdeklara nang laban si dating Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa dating kakampi na si incumbent Mayor Dra. Honey Lacuna-Pangan.

Magsimula sa mga kalsada na dati ay parating puno ng mga traffic enforcer na nag-aabang ng kanilang huli sa halip na magmando ng trapiko, ngayon ay mangilan-ngilan na lang, hindi na masyadong nagkukumpulan at totoong nagtatrabaho upang mapanatiling maayos ang daloy ng mga sasakyan sa lansangan.

Bukod pa sa ang mga looban sa Quiapo, Sta. Cruz at Divisoria na dating puno ng vendors na nagbabayad ng kanilang mga pwesto ay nawala na. Bagaman, hindi pa rin masasabi na sa kabuuan ay malinis na talaga ang mga kalye at eskinita sa Maynila.

May mangilan-ngilan pa rin na hindi maiwasan na may mga lugar na nakapwesto at ito naman ayon sa ilang “marites” ay dahil sa proteksyon na kanilang nakukuha sa pulis na nakatalaga sa istasyon.

Ang kita umano sa mga vendor ay hindi naman pumapasok sa kaban kundi sa bulsa ng ilang commander na may hawak ng “tabakuhan” sa hawak ng mga itong lugar sa Maynila.

Matindi ang hiling ni Mayor Lacuna kay Manila Police District Director PBGen Thomas Ibay na linisin ang kanilang nasasakupan mula sa krimen at iligal na gawain tulad ng sugal, droga, pagnanakaw at ibang mga katulad nito.

Kung si Lacuna ay ganoon ang hiling kay Ibay, ganoon din ang nais ni National Capital Region Police Office Director PMGen Jose Melencio Nartatez Jr. na simula pa lang nang maupo bilang regional director sa Metro Manila ay nagdeklara nang “NO TAKE” policy.

Ayon nga sa ilang taga-Maynila na naniniwala sa pamunuan ng unang babaeng alkalde sa Maynila, malinis ang konsensya ng kanilang mayor ana hindi ito tumanggap ng pera mula sa illegal vendors, illegal gambling, traffic at parking.

Eh sino ang tumatanggap sa perang nakolekta ng mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau na dating pinamumunuan ni Dennis Viaje?

Naku, dear readers, hindi siyempre si Juan de Sabog. Pero may hinala na ang mga taga-Maynila kaso nagbubulag-bulagan ang mga ito dahil umaasa sila na may pakinabang silang matatanggap sa sinomang hula nila na nagkakamal ng salapi.