NOONG Agosto, lumutang ang mga balitang nagpapahayag nang kahandaang ibunyag ni PMGen Romeo Caramat Jr. ang kanyang nalalaman sa extrajudicial killings kaugnay sa madugong giyera kontra droga noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kapalit nang pagtatalaga sa kanya bilang hepe ng Philippine National Police. Malaking FAKE news ito.
Ayon sa isang malapit na kaibigan na nakatalaga sa Camp Crame o sabihin na nating “Tolits” ng bayan, si Caramat, noong nakatalaga pa sa Criminal Investigation and Detection Group, ay ipinatawag ng isang mataas na opisyal na sinasabing malapit kay Pangulong Bongbong Marcos.
Inalok si Caramat na ibenta ang kanyang dangal sa pamamagitan nang pagtestigo laban kay dating Pangulong Digong sa “war on drugs” nito subalit dahil may paninindigan at hindi oportunista, tinanggihan ito ng magiting na heneral.
Sabi pa ng kaibigang Tolits, doon na nagsimula ang galit ng opisyal kay Caramat kaya’t dahil hindi makuha ang panig nito upang suportahan ang nais na pagsira sa pangalan ng dating Pangulo, hindi na nga nakuha ang pangarap ng sinomang opisyal na maging Philippine National Police chief, tinanggal pa ito sa CIDG at inilagay sa kangkungan (termino sa mga pwestong tapunan ng mga walang pakinabang).
Hindi si Caramat ang dapat sabihan na ibinebenta ang katarungan o hustisya. Ang totoong nagbebenta ng katotohanan at hustisya ay iyong may malalim na motibo upang maghiganti o kaya naman ay tuluyang sirain ang dangal ng dating administrasyon.
Ito ang taong nagnanais na sila ang magpatakbo ng gobyerno kapag natapos na ang panahon ni Pangulong Marcos.
Anong klaseng mga opisyal ng pamahalaan ba ang mga ganitong tao? Sila ba ang mga anay sa lipunan na nais mapahamak ang mga kapwa basta makuha lang ang tiwala ng taumbayan?
O sila kaya ang nagnanais na mamanipula ang mga kaganapan sa bansa at nagnanais na sila ang maging bida sa mata ng mamamayan nang sa ganoon ay makuha nila ang tiwala ng tao hanggang sa pagdating ng halalan.
Sana lang, huwag maging mabenta sa taumbayan ang kanilang pagpapabida.
Basta, saludo ang Pakurot kay Gen. Caramat na hindi nagpadala sa magandang alok sa kanya sa halip ay nanindigan na hindi niya kailangan ang maganda at pinakamataas na pwesto sa PNP huwag lang siyang maging walang kwentang tao.