ANG pagiging talamak ng korapsyon sa mga pinapasok na kontrata ng gobyerno ay isang open secret, kaya naman bagama’t hindi ito katanggap-tanggap, nakababahala kung paanong nagiging pangkaraniwan na lang ito. Isa ito sa mga bagay na hindi kailanman magiging lehitimo, pero mas pipiliin na lang natin na huwag malaman kung magkano ang ninanakaw mula sa kaban ng bayan.
Marahil, mas gugustuhin ng mas marami sa atin na hindi malaman ang mga detalye dahil na rin sa pagod na tayo sa isyung ‘yan o pupwedeng sa panghihilakbot, nangangambang lumala lang ang ating pagkadismaya kapag nalaman natin ang katotohanan. O siguro, sinasadya na lang nating iwasan upang hindi tayo makaramdam nang panlulumo, o kaya ay masaktan, sa tuwing nagbabayad ng buwis.
Pero mayroong video clip si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na posibleng magpabago sa ating mga isip mula sa pag-iwas sa masakit na reyalidad. Isa iyong “lecture” na parehong inilahad niya bilang panauhing pandangal at tagapagsalita sa Lions International Multiple District Convention na idinaos sa lungsod ng Baguio noong Mayo ngayong taon.
Sa video, diretsahang ibinulgar ni Magalong ang nakawiwindang na breakdown ng pondo ng mga proyekto ng gobyerno, kung saan hanggang 70% ang kanya-kanyang kinukupit ng mga politiko, ahensiya, at komite bago pa aktuwal na masimulan ang pagawain.
Ganito raw, aniya, ang kupitan: Kinukubra ng mga politiko ang 25-40% ng kabuuang pondo ng proyekto, na karaniwang nasa 30%; ang value-added tax o VAT accounts ay nasa 7%, habang 1% naman sa insurance; ang ahensyang nangangasiwa sa implementasyon, nasa 10-15% naman ang kupit, o 12% ang average; 2% naman ang mapupunta sa Bids and Awards Committee; at may 3% pang contingency fund na binabawas kapag kukubra ng tseke at para sa gastos sa inspeksyon at iba pa.
Sa huli, nasa 30% lang ng orihinal na pondo ang natira para gastusin sa aktuwal na proyekto — hindi sasapat para siguraduhin ang kalidad na karapat-dapat para sa publiko. Natameme sa gulat ang mga dumalo sa lecture ni Magalong, na inorganisa ng Alyansa ng Nagkakaisang Mamamayan o ANIM.
Sa isang iglap, ang korapsiyon na sawang-sawa na tayong marinig ay biglang naging personal — ang pinagpaguran nating pera, ninanakaw nang ganun-ganun na lang, sa ngalan ng kunwaring progreso para sa mamamayan.
Dapat nang masawata ang ganitong institutionalized corruption. At bagama’t nagpapasalamat ang Firing Line kay Magalong sa pagbubunyag nito sa maliit na bilang ng mga nababahalang Pilipino, mas may magagawa ang matitinong opisyal na tulad niya upang maitaguyod ang kapakanan ng publiko.
Ayon sa alkalde, ang impormasyong ito tungkol sa pagkatay sa pondo para sa mga pagawain ay galing sa isang contractor at matagal nang SOP (standard operating procedure) sa mga kontrata ng gobyerno sa iba’t ibang rehiyon.
Panahon nang lumantad ang ganitong whistleblowers, bigyan sila ng proteksyon ng mabubuting opisyal ng gobyerno, at imbestigahan nang may layuning papanagutin ang lahat ng mga sangkot. Kung hindi ito mangyayari, magmumukha tayong isang bansa ng mga kinukunsinti sa garapalang pagnanakaw sa pondo ng bayan.
Mayroon tayong matitinding batas kontra korapsyon, mga patakaran sa pinaigting na transparency, at mga kampanya sa pagpapatupad ng pinalakas na checks and balances sa proseso ng bidding. Kailangang paganahin ng gobyerno ang mga mekanismong ito.
Dapat ding maging mapagmatyag ang mamamayang tulad natin at igiit sa ating mga lokal na opisyal, silang inihalal natin sa puwesto, na huwag makisangkot sa ganitong garapalang hatian at kupitan na nagsasawalang-bahala sa prinsipyo ng serbisyo publiko at lumalabag hindi lang sa batas kundi sa moral obligasyon nila sa kanilang mga nasasakupan.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).