MANILA, Philippines – Nanguna ang graduate mula sa Cebu Institute of Technology-University sa registered electrical engineers licensure examination habang nakamit naman ng alumnus mula Nueva Ecija University of Science and Technology sa Cabanatuan ang pinakamataas na iskor para sa
registered master electricians licensure exam na kapwa ginanap ngayong buwan.
Ayon sa Professional Regulation Commission, 1,655 sa 3,058 nagsulit ang pumasa sa electrical engineers exam at 335 naman sa 834 ang pumasa sa master electricians, na kapwa ibinigay ng Board of Electrical Engineering sa test centers sa Metro Manila, Baguio, Cebu at Davao.
Nanguna si Christopher Regino Brodith Maranga ng CIT University sa electrical engineers exam sa pagkakaroon ng score na 93.20%, habang top performing school naman ang University of the Philippines – Los Baños, kung saan lahat ng mga nagsulit mula rito ay nakapasa.
Samantala, top scorer naman sa master electricians exam si Jaypee Gernalin Francisco ng NEUST Cabanatuan sa score na 91%, at top performing school ang Technological Institute of the Philippines – Manila, kung saan 20 sa 22 examinees nito ang pumasa. RNT/JGC