MANILA, Philippines – May kabuuang 1,692 aftershocks ang naitala mula noong tumama ang magnitude 7.4 na lindol sa baybayin ng Hinatuan, Surigao del Sur nitong weekend, sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nitong Lunes.
Hanggang alas-8 ng umaga, sinabi ng PHIVOLCS na ang magnitude ng aftershocks ay mula 1.4 hanggang 6.6.
Sinabi ni PHIVOLCS director Teresito Bacolcol na dapat asahan ng mga tao ang aftershocks sa mga susunod na linggo na hihina at bababa habang tumatagal ang mga araw.
“‘Yung dahilan ng aftershocks natin naga-adjust pa ‘yung mga bato. So habang naga-adjust pa siya hindi pa stable so nagpo-produce ‘yan ng lindol na tinatawag natin na aftershocks,” anang opisyal sa isang interbyu.
Pinayuhan din ng Bacolcol ang mga apektadong residente na kumunsulta sa mga civil engineer at huwag pumasok sa kanilang mga bahay kung may makikitang mga bitak pagkatapos ng lindol.
“Kung nasa evacuation centers sila, manatili muna, and consult civil engineers kung safe na bang pumasok sa mga bahay nila. Kasi kung may visible cracks o visible damage, baka kung hindi ito gumuho during the main shock, kapag may malakas tayong aftershock ay baka mag-collapse ito,” aniya.
Ang magnitude 7.4 na lindol ay tumama sa Hinatuan, Surigao del Sur noong Sabado ng gabi, na naging dahilan upang maglabas ng tsunami alert ang PHIVOLCS. Santi Celario