MANILA, Philippines – Nasa 17 pamilya ang inilikas nitong Huwebes ng gabi, Setyembre 18 sa Barangay Curuan, Zamboanga City dahil sa matinding pagbaha.
Ayon kay City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) chief Elmeir Apolinario, may 11 sitio mula sa Barangay Curuan ang lubog sa tubig-baha dahil sa malalakas na pag-ulan.
Agad na nagsagawa ng rescue operation ang mga tauhan mula sa CDRRMO, Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection at barangay workers para sagipin ang mga residente na na-trap sa kani-kanilang mga tirahan.
Ani Apolinario, naitala ng City Social Welfare and Development Office ang 17 pamilya o 90 indibidwal na inilikas patungo sa Curuan basketball court na agad namang nabigyan ng relief goods, hygiene kits, mats at mga kumot.
Tinukoy ang mga apektadong sitio na Mango Drive, Camias, Market Site, River Site, Poblacion, Parusan, Inner Presa, Betong, Presa, Mina, at Urban Poor. RNT/JGC