MANILA, Philippines- Tinatayang 177 police officers ang kinasuhan ng drug-related offenses kabilang na ang pagtatanim ng ebidensya, pag-aresto ng labag sa batas at labis na karahasan sa Kalakhang Maynila lamang kasunod ng mas pinaigting na anti-illegal drugs campaign.
“Kabila naman niyan ay alam naman natin na kung minsan nadadala ang ating mga opisyal at siyempre hindi natin maaaring pabayaan ‘yan. Kaya’t ang nangyari ay 177 police officers have been charged with drug-related offenses. Including the planting of evidence, unlawful arrest, and excessive violence dito pa lang sa NCR,” ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang video message na naka-post sa social media.
“We are now pursuing 151,818 court cases by the DOJ (Department of Justice) in 2022 to 2023, with 121,582 naikulong na, itong mga violators tungkol dito sa mga drug trade,” ani Pangulong Marcos.
Aniya, ang mga datos ay “not just good numbers” subalit “real improvement” sa patuloy na laban sa paglaganap ng illicit narcotics.
Binigyang-diin naman ng Chief Executive ang ginagawang pagsusulong ng pamahalaan para makalikha ng drug-free communities.
“Para sa amin hindi lang ‘to sa mga magagandang numero kung hindi ay talagang magiging improvement. Pinaganda talaga natin ang komunidad natin, pinapaganda talaga natin ang buhay ng ating mga kababayan, at iniiwas natin ang mga kabataan natin diyan sa pagpasok sa lifestyle ng drug-taking,” ang tinuran ng Punong Ehekutibo.
Iniulat ng administrasyong Marcos na nakakumpiska ito ng P10.41 bilyong halaga ng ilegal na droga mula Enero hanggang Disyembre 2023 at nagawang drug-cleared ang mahigit sa 27,000 barangay mula sa narcotics sa ilalim ng bagong approach ni Pangulong Marcos para tugunan ang drug menace.
Sinabi naman ng Philippine National Police (PNP) na maliban sa nakumpiskang malaking volume ng illegal drugs, naaresto naman nito ang 56,495 suspek matapos magsagawa ng mahigit sa 44,000 anti-illegal drug operations.
“Through the consolidated efforts of the Department of the Interior and Local Government (DILG), Dangerous Drugs Board (DDB), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) and the PNP, the government cleared 27,968 barangays of illegal drugs, with 23 provinces, 447 municipalities, and 43 cities establishing their respective community-based drug rehabilitation programs (CBDRPs) as of December 27, 2023,” ayon sa administrasyon sa kanilang hiwalay na annual accomplishment report.
Iniulat rin ng pamahalaan na may 50 lalawigan, 1,160 munisipalidad, at 30 lungsod ang mayroong Anti-Drug Abuse Councils (ADACs) ang nagpatupad ng anti-drug priorities sa lokal na antas. Idagdag pa rito, may 74 na in-patient treatment at rehabilitation facilities ang itinatag.
Samantala, isinakatuparan naman ng administrasyong Marcos ang bagong approach para tugunan ang ilegal na droga sa pamamagitan ng pagtuon sa “rehabilitation, reintegration, at preventive education programs” lalo na sa mga kabataan. Kris Jose