MANILA, Philippines- Lahat ng kinakailangang tulong ay ibinibigay na ng Department of Migrant Workers (DMW) sa 19 overseas Filipino workers (OFW) na naareto sa Qatar dahil sa umano’y pagsasagawa ng protesta noong Biyernes, Marso 28.
Sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na ang labor attache ay nagtungo na sa police station kung saan sila nakaditine dahil sa illegal asembly nang magsagawa ng protesta nang walang kaukulang permiso o permit mula sa nasabing bansa.
Hindi naman binanggit ng DMW at Department of Foreign Affairs (DFA) kung ang ilegal na aktibidad ay may kaugnayan sa pagdiriwang ng kaarawan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Biyernes nang isagawa ang mga kilos-protesta para tutulan ang kanyang pagkakakulong sa the Netherlands dahil sa kasong crimes against humanity na kanyang kinakaharap sa International Criminal Court (ICC).
Kasunod ng insidente, pinalalahan ni Cacdac ang mga OFW na iwasan ang pagdaraos ng mga aktibidad na lalabag sa mga batas ng host country.
Sinabi ni Cacdac na batid ng mga OFW sa Qatar ang mga batas dahil bahagi ito ng briefing bago ang kanilang deployment.
Pinaalalahanan din ng Philiippine Embassy sa Doha ang mga OFW noong Marso 13 na igalang ang mga lokal na batas at kaugalian ng Qatar. Jocelyn Tabangcura-Domenden