MANILA, Philippines – Nasawi ang isang konduktor habang anim na iba pa ang nasugatan matapos bumangga ang isang pampasaherong bus sa nakaparadang anim-na-gulong na truck sa Marcos Highway sa Baguio City madaling-araw ng Martes.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng Baguio City Police Office (BCPO), naganap ang insidente dakong alas-2 ng madaling-araw sa Kilometer 6.
Biyahe ng Genesis bus mula Maynila patungong Baguio nang salpukin nito ang hulihan ng truck na nakaparada sa gilid ng kalsada dahil sa problema sa fuel injection pump.
Naipit malapit sa pintuan sa unahan ng bus ang konduktor na residente ng Urdaneta City, Pangasinan. Narespondehan siya ng mga tauhan ng BCPO, Bureau of Fire Protection (BFP)-Tuba at 911 on Call, ngunit idineklarang patay sa ospital.
Sugatan naman ang anim na iba pang indibidwal, kabilang ang drayber ng bus at isang sakay ng truck, na agad dinala sa ospital para sa kaukulang lunas.
Nagtamo ng matinding pinsala ang parehong sasakyan sa banggaan. Patuloy na iniimbestigahan ng Baguio Traffic Enforcement Unit ang insidente upang matukoy ang pananagutan at kabuuang halaga ng pinsala. Mary Anne Sapico