MANILA, Philippines – Mahigit 1,000 sundalo ang aasiste sa Philippine National Police (PNP) para masigurong ligtas ang Pista ng Itim na Nazareno sa Maynila, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) Joint Task Force-National Capital Region (JTF-NCR).
Sa ulat, sinabi ni JTF-NCR Deputy Commander Colonel Rommel Recinto na pipwesto sa Quirino Grandstand ang mga tauhan mula sa Philippine Navy, Army, at Marines para sa tradisyunal na pahalik, maging sa mga entry at exit points sa Metro Manila.
Layon ng deployment na siguruhin ang kaligtasan, seguridad at kapayapaan sa aktibidad, ani Recinto.
Nakahanda rin ang batalyon ng Marines para sa mabilisang deployment kung kinakailangan.
Bagama’t wala namang tinukoy na seryosong banta sa kapistahan, iginiit ng PNP ang kahandaan nito sa seguridad. RNT/JGC