MANILA, Philippines – Arestado ng Bureau of Immigration ang umano’y Japanese national na lider ng scam group target ang mga senior citizen sa Japan habang isinasagawa ang operasyon nito dito sa Pilipinas.
Nagsanib-pwersa ang mga awtoridad mula sa Fugitive Search Unit (FSU) ng BI para arestuhin ang mga suspek.
“Itong grupo na ito, matagal na nating sinusubaybayan. Nahuli na natin ang ibang miyembro nito last year,” ani BI-FSU Head Chief Rendel Sy.
Sa ulat mula sa Interpol ng Japan, target ng grupo ang mga matatanda sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang law enforcement representatives.
“Sinasabi nila na kailangan nilang magbayad sa pulis. Nagpapadala sila sa bahay ng senior citizen para humingi ng malaking pera,” paliwanag ni Sy.
Samantala, narekober ng mga awtoridad ang pekeng identification card na may pangalang Pinoy mula sa suspek.
“Yung modus nila ay very similar doon sa Luffy group kung saan tatawagan ng mga scammer nila na nakabase dito sa Pilipinas and then may mga local actors sila na ipapadala sa bahay ng biktima,” dagdag pa ni Sy.
Bago ipa-deport patungong Japan, plano ng BI-FSU na imbestigahan kung may mga nabiktima rin itong Filipino.
“Napakahalaga na mahuli natin ito at mapigilan sa pamamalagi kasi di malayong mag-localise din ang market nila, makapag-recruit ng mga Pilipino actors para makapang-scam ng mga kapwa nating Pilipino.” RNT/JGC