MANILA, Philippines – Kinumpirma ni Philippine Coast Guard o PCG Spokesperson, Commodore Noemie Cayabyab ang pagkarekober sa dalawang nawawalang pasahero ngayong araw, Agosto 29, matapos tumaob ang isang motorbanca sa Mapanuepe Lake sa San Marcelino, Zambales.
Kabilang ang narekober na dalawang bangkay sa mga iniulat na nawawala matapos ang insidente noong Agosto 27, 2026.
Narekober ng mga residente ng Barangay Buhawen ang bangkay ng babaeng pasahero (minor) pasado alas-10 ng umaga humigit-kumulang 50 metro kanluran ng pinangyarihan ng pagtaob.
Narekober naman ng mga SAR responder ang bangkay ng lalaking pasahero (minor) bandang 11:05 ng umaga, humigit-kumulang 30 metro timog-silangan ng pinangyarihan ng insidente.
Ang mga biktima ay parehong kinilala ng kani-kanilang mga ama.
Ayon kay Commodore Cayabyab, patuloy pa rin ang search and rescue o SAR operations para sa natitirang isang nawawalang pasahero. Jocelyn Tabangcura-Domenden