Home NATIONWIDE Maynila, naka-high alert; evacuation centers binuksan sa malakas na ulan

Maynila, naka-high alert; evacuation centers binuksan sa malakas na ulan

1
0

MANILA — Naka-high alert ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila matapos maranasan ang malalakas hanggang matitinding pag-ulan sa ilang bahagi ng lungsod nitong Sabado, Agosto 29.

Iniutos ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang agarang pag-activate sa mga evacuation center, district welfare offices, ospital at health centers upang matiyak ang kahandaan ng lungsod sakaling lumala ang pagbaha.

Ayon kay Manila City Social Welfare Officer Jay Reyes Dela Fuente, bukas ang lahat ng district welfare offices ng Manila Department of Social Welfare (MDSW), kabilang ang mga pangunahing district evacuation centers.

Samantala, iniulat ni Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department (MCDRRMD) Director Arnel Angeles ang pagbaha sa ilang bahagi ng Taft Avenue, partikular sa mga lugar malapit sa Quirino Avenue, United Nations Avenue, Kalaw at National Bureau of Investigation.

Sinabi naman ni MCDRRMD chief meteorologist Christian Evangelista na dulot ng southwest monsoon o Habagat na sinabayan ng mga thunderstorm ang malalakas na pag-ulan.

Batay sa mga rain sensor, naitala ang malakas hanggang matinding pag-ulan mula alas-5 ng umaga hanggang alas-1 ng hapon.

Nanatili ring nakataas ang Red Rainfall Warning sa Metro Manila, na ayon kay Evangelista ay inaasahang magpapatuloy hanggang alas-5 ng hapon.

Kasabay nito, pinaigting din ng lungsod ang kampanya laban sa leptospirosis.

Ayon kay Manila OIC-City Health Officer Dr. Grace Padilla, may nakahandang doxycycline capsules sa lahat ng 44 health centers at pitong district hospitals ng lungsod.

Inatasan din ng alkalde ang mga health personnel at barangay officials na aktibong makipag-ugnayan sa mga residente, partikular sa mga komunidad na posibleng nalubog sa baha, upang maiwasan ang pagkalat ng leptospirosis.

Sa kabila ng pag-ulan, sinabi ni Manila Department of Environment and Public Services (DEPS) Director Kenneth Amurao na nagpapatuloy nang normal ang koleksiyon ng basura sa lahat ng distrito at wala umanong naitalang pagkaantala nitong Sabado ng umaga.

Samantala, iniulat ni Manila City Engineer Armand Andres na tuloy-tuloy din ang clearing at declogging operations sa mga lugar na kinakailangan.

Nakikibahagi rin ang lahat ng 896 barangay sa Manila sa lingguhang declogging operations bilang pagsunod sa Executive Order No. 3 ng alkalde, na nag-aatas ng regular na paglilinis at pagtanggal ng bara sa mga drainage at daluyan ng tubig tuwing Sabado.

Patuloy namang mino-monitor ng city government ang sitwasyon habang nananatiling nakaalerto ang mga disaster response, social welfare at health personnel sa posibleng epekto ng tuloy-tuloy na pag-ulan. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here