MANILA, Philippines – Arestado ng mga awtoridad ang dalawang hinihinalang big-time na tulak ng illegal na droga sa buy-bust operation nitong Lunes, Marso 17, sa Lucena City, Quezon.
Kinilala ang mga suspek na sina “Zabeth,” 35, at “Cris,” 25, matapos pagbentahan ng shabu na nagkakahalaga ng P500 ang isang undercover agent sa Barangay Ibabang Iyam bandang 1:24 ng madaling araw, ayon sa report ni Lt. Col. Dennis de Guzman, Lucena police chief.
Narekober sa mga ito ang pitong plastic sachet na naglalaman ng shabu at tumitimbang ng 26 gramo, at nagkakahalaga ng P176,800 sa assessment ng Dangerous Drugs Board.
Ngunit sa umiiral na street price na P20,400 kada gramo ay umaabot ang mga nasamsam na shabu sa P530,400 ang halaga.
Iniimbestigahan na ng Lucena police kung saan kinukuha ng mga ito ang kanilang suplay ng illegal na droga.
Nahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/JGC