Home METRO 2 ‘biktima’ ng human trafficking naharang sa NAIA

2 ‘biktima’ ng human trafficking naharang sa NAIA

MANILA, Philippines- Nasagip ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang dalawang hinihinalang biktima ng human trafficking makaraang maharang ang mga itong makaalis ng bansa.

Sa ulat kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, sinabi ng immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) ng BI na ang dalawang pasahero, parehong lalaki, ay naharang noong Marso 14 sa NAIA terminal 3 bago sila makasakay sa Cebu Pacific flight papuntang Thailand.

Inamin umano ng mga pasahero na pagdating sa Bangkok ay susunduin sila at ie-escort sa Laos kung saan sila kinuha para magtrabaho bilang mga call center agent para sa isang kompanyang pinaniniwalaang sangkot sa kilalang crypto investment scam.

“Thanks to the vigilance of our officers at the airport, we again saved two of our countrymen from these syndicates that operate scams which harmed and ruined the lives of many people who were virtually treated as slaves by their employers,” ani Tansingco.

Ayon sa I-PROBES, una nang sinabi ng dalawa na sila ay mga turista na magbabakasyon ng limang araw sa Thailand at lokal na nagtatrabaho sa isang telecommunications company na lumabas na hindi totoo.

Inamin din umano ng mga biktima na wala silang trabaho at lahat ng mga dokumentong kanilang ipinakita ay peke dahil ang mga ito ay ibinigay lamang sa kanila ng kanilang Chinese recruiter.

Idinagdag nila na ang kanilang mga dokumento ay ipinadala lamang sa kanila sa pamamagitan ng courier sa hotel na kanilang tinutuluyan bago ang kanilang paglipad.

Pinangakuan umano sila ng buwanang sweldo na aabot sa USD400 habang sumasailalim sa on-the-job training at USD1,000 kapag naging regular na manggagawa na sila.

Kalaunan ay inilipat ang mga pasahero sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa tulong at karagdagang imbestigasyon. JAY Reyes

Previous article‘Full manpower’ sa mga pantalan kasado para sa Semana Santa
Next articlePPP deal para sa NAIA rehab pirmado na