Manila, Philippines – Nagtakda na ng unang araw ng deliberasyon ang House Committee on Justice para sa dalawang impeachment complaints na isinampa laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang notice mula kay Batangas Rep. Gerville “Jinky” Luistro, chairman ng Committee on Justice ay sinasabing sisimulan ang kunsiderasyo sa dalawaang verified impeachment complaints laban sa pangulo.
Ito ay ang inihain ni Atty. Andre R. De Jesus na inindorso ni Rep. Jernie “Jett’ V. Nisay at ang ikalawa na ang inihain naman nina Liza Largoza Maza na inindorso naman nina Reps Antonio Tinio ng ACT Teachers, Sarah Elago ng Gabriela Partylist at Renee Luise Co ng Kabataan Partylist.
Gagawin ang unang deliberasyon sa February 2, alas 10:00 ng umaga sa People’s Center sa Kamara.
Sa naturang ipinadalang imbitasyon sa mga nabanggit na personalidad ay binigyang diin dito na mahalaga ang kanilang presensya sa araw na ito kung kaya dapat na tugunin ito ng kumpirmasyon sa telepono man o sa email.
Susuriin ng komite ang dalawang impeachment complaints, ang una ay inihain noong Enero 19, 2026 ni Atty. Andre R. De Jesus at inendorso ni House Deputy Minority Leader at Pusong Pinoy Party-list Rep. Jernie Jett V. Nisay habang ang ikalawa ay naihain noong January 26, 2026 nina Liza Largoza Maza, Teodoro A. Casiño, Renato Reyes Jr., Atty. Neri Colmenares at labor leader Ronaldo “Ka Jerome” Adonis, ito ay inendorso naman nina ACT Teachers Party-list Rep. Antonio L. Tinio, Gabriela Women’s Party-list Rep. Sarah I. Elago at Kabataan Party-list Rep. Renee Louise M. Co.
Magugunitang magkahiwalay na inihain ang dalawang impeachment complaints laban sa pangulo bagama’t hindi agad tinanggap ng opisina ng Secretary-General ang ikalawang reklamo dahil si Atty. Cheloy Garafil ay kasalukuyang nasa Taiwan. (Meliza Maluntag / Gail Mendoza)