MANILA, Philippines – Naghigpit ang ilang airport sa Asya ng kanilang surveillance at health checks matapos maiulat ang Nipah virus outbreak sa India.
Sa Thailand, ipinatupad sa ilang airport ang kaparehong mga hakbang na ginamit noong COVID-19 pandemic.
Kabilang dito ang health surveillance at travel checks sa mga biyaherong mula sa West Bengal, India, kung saan naitala ang limang kaso ng Nipah virus infection.
Nagpatupad din ng mas mahigpit na hakbang ang Nepal at Taiwan upang maiwasan ang pagpasok ng Nipah virus sa kanilang mga bansa.
Ang fruit bats ang pinagmumulan ng Nipah virus, na maaaring maipasa sa tao at ibang hayop.
Kabilang sa mga sintomas ng Nipah virus infection ang lagnat, sakit ng ulo, pananakit ng katawan, pagsusuka, at pananakit ng lalamunan.
Maaari rin itong humantong sa malubhang problema sa paghinga at encephalitis o pamamaga ng brain tissue.
Ayon sa World Health Organization (WHO), wala pang natutuklasang bakuna laban sa Nipah virus. RNT/MND