Home NATIONWIDE 2 itinumba sa checkpoint sa Maguindanao Sur

2 itinumba sa checkpoint sa Maguindanao Sur

MANILA, Philippines – Patay ang dalawa katao sa pamamaril ng gunmen na sakay ng motorsiklo nitong Lunes, Enero 27 sa mismong checkpoint ng isang barangay sa Labu-Labu, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur.

Kabilang sa nasawi ang isang miyembro ng peacekeeping team ng barangay, habang sugatan naman ang tatlo iba pa.

Kinilala ang mga nasawi na sina Hassen Kumamo, 17, miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT), at Esmael Singh, 20, kapwa residente ng Barangay Labu Labu Mother.

Sa ulat, dumaan ang dalawang gunman sa BPAT checkpoint sa national highway saka nagpaulan ng putok gamit ang automatic rifle, ayon kay Colonel Bobby Paloma, Maguindanao police provincial director.

Samantala, tinamaan din sa pamamaril ang mga sugatan na sina Ali Amerudin, 17; Anwar Banalan, 20; at Mohamad Husain, 30.

Inilunsad na ang manhunt laban sa mga suspek.

Ito na ang ikalawang pag-atake laban sa mga miyembro ng BPAT sa Shariff Aguak sa nakalipas lamang na isang linggo.

Noong Enero 22, napatay din ang BPAT member sa gun attack sa pamilihang bayan.

May natukoy nang ilang persons of interest ang pulisya at nagpapatuloy din ang imbestigasyon sa insidente. RNT/JGC