Home NATIONWIDE Agri training program palalawakin ng Israel sa Pilipinas

Agri training program palalawakin ng Israel sa Pilipinas

MANILA, Philippines -ITINUTULAK ni Israeli Ambassador to the Philippines Ilan Fluss na palawakin ang ‘intensive agricultural training program’ sa Pilipinas para maabot ang mas maraming lalawigan sa bansa.

Binigyang diin ni Fluss ang pagiging dalubhasa ng Israel sa pagpapalago ng mga ‘ fruit trees, mga gulay at high-value crops’ gamit ang scientific methods, sa kabila ng hindi pagpo-produce ng bigas o palay.

Ani Fluss, masaya siya na dalhin sa mga lalawigan ang kanilang kaalaman sa pamamagitan ng Agro Studies program, tinatayang 700 Filipino interns ang nagpartisipa sa kanilang programa sa pamamagitan ng partnership sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Ang programa, nagtagal ng 11 buwan, isinabak ang mga interns sa hands-on training kasama ang mga magsasaka sa loob ng limang araw sa isang linggo, mayroong isang araw na nakatuon lamang sa academic studies at isang araw na ‘day off.’

Ang paliwanag ni Fluss, layon ng programa na baguhin ang ‘mindset’ ng mga interns’, ipakilala ang modern farming techniques sa iba’t ibang lugar gaya ng ‘fruit trees, cut flowers, at mga gulay.’

“They see how modern farming is done. They get expertise in different areas, fruit trees, cut flowers, vegetables. The idea is after they come back from their internship in Israel, they would introduce the best practices and knowledge to the Philippines,” aniya pa rin.

Upang mas mapalawig pa ang inisyatiba, tinintahan ang isang kasunduan sa pagitan ng Department of Agriculture-Agricultural Training Institute habang ang lokal na pamahalaan ay hinikayat na magpadala ng mas maraming interns.

“We want to see how we can work together and improve Philippine agriculture. That is why we are expanding the partnership,” dagdag na wika nito.

Sinabi pa ni Fluss, na ang interns ay hindi kinakailangan na isang estudyante, subalit maaaring manggaling ang mga ito sa mga proyekto ng lokal na pamahalaan at local government and private sector initiatives.

Binanggit din niya na kinokonsidera ng TESDA na pagsamahin ang suporta para sa mga ‘returning interns’ para makatulong na ipatupad ang kanilang panukalang business plans.

Samantala, dumalo naman si Fluss sa Dinagyang Festival, araw ng linggo at nakipagpulong kina Iloilo City Mayor Jerry Treñas, Governor Arthur Defensor Jr., at mga kinatawan mula sa Philippine Chamber of Commerce and Industry-Iloilo at West Visayas State University.

Kasama sa naging talakayan ang mga plano na imbitahan ang pribadong sektor at mga opisyal ng pamahalaan ng Iloilo para sa malalapit na roadshow tampok ang mga teknolohiya ng Israeli at isang webinar ukol sa education technology sa pagtatapos ng Pebrero. Kris Jose