MANILA, Philippines – Nasagip ang dalawang biktima ng kidnapping habang naaresto naman ang apat na Chinese national na nagtangkang dumukot sa mga ito, sa ikinasang operasyon sa Parañaque City on Saturday, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Lunes, Agosto 4.
“Apat na Chinese nationals ang ating naaresto na naman ng Anti-Kidnapping Group (AKG) na sangkot sa kasong kidnapping na naganap sa isang kilalang resort sa Paranaque City,” ayon kay PNP chief Police General Nicolas Torre III sa isang press briefing.
Ang pagdukot ay naganap matapos na humingi ng tulong ang 30-anyos na Chinese national mula sa mga suspek para sa foreign currency exchange at pag-transfer ng P150,000 sa China.
Naglabas ang biktima ng paunang P100,000.
Ani Torre, kinumbinsi ng mga suspek ang biktima na sumama sa kanila patungo sa resort casino upang isapinal ang transaksyon ngunit nauwi ito sa pagdukot.
Pwersahan umanong pinalipat ng mga suspek sa biktima ang halagang 50,000 USDT mula sa kaniyang cryptocurrency wallet.
Sinabi pa ni Torre na hiningi ng mga suspek ang cellphone ng biktima upang kontakin ang kanyang pamilya.
Sikretong nakahingi ng tulong ang biktima sa isa pang Chinese national na nagpasaklolo naman sa pulisya sa pamamagitan ng 911 call.
Bukod sa 30-anyos na Chinese national, nasagip din ng pulisya ang isa pang babaeng biktima na dinukot din ng mga suspek. RNT/JGC