Home METRO 2 lalaki arestado sa baril sa Caloocan

2 lalaki arestado sa baril sa Caloocan

MANILA, Philippines – KAPWA rehas na bakal ang kinasadlakan ng dalawang lalaki matapos makuhanan ng hindi lisensyadong baril sa magkahiwalay na lugar sa Caloocan City.

Batay sa ulat, dakong alas-11:00 ng gabi, nagsasagawa ng checkpoint ang mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station (SS-9) sa Malapitan Road, Brgy. 171, Bagumbong nang parahin nila ang isang lalaki na sakay ng motorsiklo dahil sa paglabag sa dress code.

Saglit na bumagal ang rider subalit, bigla na lamang nitong pinahaharurot ang minamanehong motor kaya hinabol siya ng mga pulis hanggang sa magawang makorner.

Nang kapkapan, nakumpiska sa suspek na si alyas ‘Boy Bakal’ ang isang caliber .45 pistol na may isang magazine na kargado ng anim na bala at isa pang extra na magazine na kargado ng apat na bala.

Nang hanapan siya ng mga papeles hinggil sa legalidad ng naturang baril ay walang naipakita ang suspek kaya binitbit siya ng mga pulis.

Alas-12:55 ng hating gabi nang arestuhin naman ng mga tauhan ng Sub-Station (SS-13) si alyas ‘Tukmol’ matapos makuhanan ng isang caliber .38 revolver na kargado ng dalawang bala at walang kaukulang papeles makaraang takbuhan ang mga pulis na sumita sa kanya dahil sa paninigarilyo sa pampublikong lugar sa Phase 8, Bagong Silang, Brgy.176.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Art. 151 of RPC at RA 10591 “Comprehensive Firearms and Ammunation Regulation Act”. Rene Manahan