Home METRO 2 lalaki sa Cavite binurdahan sa masamang tingin

2 lalaki sa Cavite binurdahan sa masamang tingin

MANILA, Philippines – Dalawang customer ng isang restobar ang sugatan makaraang pagsasaksakin ng isang lalaking allergic sa massamang tingin sa Molino St. Brgy 41, Cavite City, Cavite

Nasa kustodiya na ng Cavite Component City Police Station ang suspek na si alyas ‘Ian’ na nahaharap sa kasong Frustrated Homicide.

Ayon sa ulat, bandang alas-4:30 ng madaling araw ay nag-iinuman ang suspek at mga biktima sa magkakahiwalay na lamesa sa loob ng Jazen Restobar sa Molino St., Brgy 41, sa nasabing lugar nang napatingin ang biktima na si alyas ‘Dan’ sa lamesa ng suspek.

Hindi nagustuhan ng suspek ang pagkakatingin sa kanya dahilan upang lapitan nito si Dan at sitahin na nagresulta sa mainitang pagtatalo na humantong sa suntukan hanggang sa naglabas ng patalim ang suspek at sinaksak si Dan.

Tinangka naman ng isa pang biktima na si alyas ‘Mar’ na paghiwalayin ang dalawa subalit siya ang pinagbalingan ng suspek at nasaksak din ito.

Rumesponde naman ang mga operatiba ng Mobile Patrol ng Cavite CPS sa tawag na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek. Margie Bautista