Home HOME BANNER STORY Alice Guo ilang linggo nang ‘di nakikita sa farm sa Tarlac –...

Alice Guo ilang linggo nang ‘di nakikita sa farm sa Tarlac – OSAA

MANILA, Philippines – Ilang linggo nang hindi nakikita sa farm sa Tarlac si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, ayon sa Office of the Senate Sergeant-at-Arms (OSAA).

Ito ang sinabi ni Senate Sergeant-at-Arms Roberto Ancan sa report na may petsang Hulyo 4 kay Senador Risa Hontiveros kaugnay sa paglalabas ng mga subpoena nito laban kay Guo at kanyang mga kapamilya.

Ayon sa report, hindi naisilbi ang mga subpoena na para kay Mayor Alice Leal Guo, Ms. Cheila Leal Guo, Mr. Wesley Leal Guo at Mr. Jian Zhang Guo sa kanilang address sa Barangay Virgen Delos Remedios, Bamban, Tarlac.

“According to… a helper in the farm, Mayor Guo has not gone to the farm for several weeks now and he has no idea of her whereabouts,” saad sa ulat ng OSAA.

“Furthermore, he stated that he does not know siblings Sheila, Wesley, and Jian, hence, he refused to receive the subpoena,” dagdag pa.

Sa kabila ng pagtanggi ng helper ng farm na tanggapin ang subpoena, binigyan pa rin ng mga opisyal mula sa OSAA ang helper ng kopya ng mga subpoena para kung sakaling dumating sina Guo at mga kapamilya nito sa farm.

Matapos nito ay nagpunta ang OSAA sa Bamban Municipal Hall upang masubukang maabutan doon si Guo at kaanak nito.

Sa kabila nito, tumanggi rin ang personal secretary ni Guo na tanggapin ang subpoena.

Noong Hulyo 5 ay nauna nang natanggap ng legal counsel ni Guo na si Nicole Jamilla ang subpoena laban sa alkalde, ama nito, mga kapatid at si Katherine Cassanda Li Ong, kabilang ang invitation letters para kina Seimen Guo at Wenyi Lin.

Sa kabila nito, iginiit ng mga abogado ni Guo na hindi inirerepresenta ng David and Jamilla Law Offices ang ibang respondents bukod kay Alice Guo.

“[W]e have no knowledge of their whereabouts nor we have any sort of communication with any of them. As previously communicated through e-mail, we would like to clarify and make it of record that our law firm only represents Mayor Alice Leal Guo, and her alone,” saad sa liham ni Atty. Jamilla. RNT/JGC