Home NATIONWIDE 2 linya ng M’danao Ave sa QC isasara

2 linya ng M’danao Ave sa QC isasara

MANILA, Philippines – Isasara pansamantala ang dalawang outer lane ng Mindanao Avenue sa Quezon City simula Hunyo 29 para bigyang-daan ang pagtatayo ng Tandang Sora Station ng Metro Manila Subway Project (MMSP), ayon sa Department of Transportation (DOTr).

Sa isang traffic advisory, sinabi ng DOTr na ang apektadong bahagi ay nasa pagitan ng Congressional at Tandang Sora Avenues.

“Light vehicles can utilize the newly constructed diversion road to offset the closure of the outer lane of Mindanao Avenue,” saad sa abiso.

Pinapayuhan naman ang mga motorista na dumaan sa mga alternatibong ruta para mabawasan ang pagsisikip ng trapiko sa construction area.

Noong Marso, sinabi ng DOTr na ang unang contract package (CP101) ng MMSP ay 40 porsiyentong kumpleto, at nasa track para sa partial operations sa 2029.

Ang CP101 ay isa sa pitong kontrata sa paggawa ng sibil ng MMSP at kinapapalooban ng pagtatayo ng tatlong istasyon sa ilalim ng lupa – Quirino Highway, Tandang Sora, at mga istasyon ng North Ave – at isang depot sa Valenzuela City. Santi Celario