BULACAN – Huli ang dalawang senior citizen matapos mahulihan ng baril at granada sa buy-bust/entrapment operation ng mga awtoridad sa bayan ng Guiguinto nitong gabi ng Abril 26.
Sa ulat ni PMAJ Mark Anthony Tiongson, OIC, Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU), kinilala ang mga naaresto na isang 62 anyos na construction worker at 60 anyos na vendor, kapwa residente ng Brgy. Malis.
Ayon sa imbestigasyon, ikinasa ang operasyon ng mga operatiba ng PIU katuwang ang 1st Provincial Mobile Force Company at Guiguinto Police Station laban sa mga suspek na umano’y sangkot sa ilegal na bentahan ng baril.
Nabatid na aktong nagbebenta ang mga suspek ng isang caliber .38 revolver na may limang bala kapalit ang buy-bust money sa poseur buyer na nagsagawa ng pre-arrangement signal kaya agad silang naaresto.
Bukod dito, nakumpiska rin ang isang hand grenade at itim na body bag mula sa mga suspek.
Sinasabing agad na humingi ng tulong ang PIU sa Bulacan Provincial Explosive and Canine Unit para sa tamang disposisyon sa nasamsam na granada habang dinala ang mga suspek at iba pang ebidensya sa tanggapan ng PIU para sa kaukulang dokumentasyon.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at RA 9516. (Dick Mirasol III)