BACOLOD CITY- Arestado ang dalawang Malaysian nationals sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad para sa kasong human trafficking at love scam, iniulat kahapon sa lungsod na ito.
Ayon kay Major Justin Noel Josol, hepe ng CIDG-Bacolod, bitbit nila ang search warrant noong Marso 27, 2025, at pinasok ang inuupahang bahay ng mga suspek sa lungsod.
Sinabi ni Josol na ang modus ng mga suspek ay naghihikayat ng mga babaeng modelo kapalit ng malaking sweldo sa pamamagitan ng pagpapadala ng kanilang mga larawan sa mga target na dayuhan sa dating sites.
Ang ibang mga recruit, tinutukoy bilang “mga ahente,” ay nangongolekta ng pera mula sa mga customer-foreigner na naghahanap ng katalik.
Nailigtas naman ng mga ahente ng CIDG ang 10 babaeng modelo.
“We are thinking about 100 plus agents. Nag-offer sa kanila itong mga operator, mga big boss kung tawagin, na maging customer service representative,” ayon pa kay Josol.
Nauna rito, iniulat ng mga ahente na hindi nakatanggap ng kanilang sweldo ang mga ilegal na operasyon sa mga awtoridad.
Nakumpiska sa mga suspek ang mga laptop at camera na pinaniniwalaang ginamit ng mga suspek sa kanilang walang prinsipyong operasyon.
Itinanggi ng isang may-ari ng bahay ang anumang kaalaman sa operasyon ng mga Malaysian national.
“Wala kaming alam kung ano ang pinaggagawa nila,” ani alyas “Naome,” isa sa mga may-ari ng bahay.
Halos isang buwan nang na-monitor ng CIDG-Bacolod ang mga suspek sa Purok Henrietta Village, Barangay Singcang-Airport.
Ayon sa mga residente, medyo matagal nang umuupa sa bahay ang mga dayuhan, at nakitaan na rin ang mga babae na dumadalaw sa nasabing bahay.
“Pumupunta ang mga babae, nag-a-apply. Mga matatangkad, maganda ang pangangatawan, magaganda,” wika ng security guard.
Isinailalim na inquest proceedings ang mga suspek na hindi muna pinangalanan, kung saan expired na rin ang kanilang tourist visa. Mary Anne Sapico