MANILA, Philippines – INAPRUBAHAN ng Sangguniang Panlungsod ng Maynila ang dalawang ordinansa sa lungsod na nag-uutos sa pagtaas ng suweldo para sa mga manggagawa ng pamahalaang lungsod na epektibo ngayong unang araw ng Setyembre.
Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan, inaprubahan ng konseho ang isang ordinansa na magpapatupad ng unang tranche ng binagong iskedyul ng suweldo para sa mga tauhan ng lokal na pamahalaan.
Ang panukala ay alinsunod sa Executive Order (EO) 64 o ang Salary Standardization Law 6 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Agosto.
Gayunpaman, hindi retroactive ang pagtaas ng suweldo bilang pagsunod sa Republic Act 7160 o Local Government Code.
Kaugnay nito, isa pang magandang balita ang hatid ng lokal na pamahalaang lungsod partikular na sa mga Job Order at Contract of Service na kawani ng City Hall dahil aprubado na din ang kanilang dagdag na sahod.
Batay sa ordinansa na iniakda nina Konsehal Fugoso, Isip at no 6th District Councilor Philip Lacuna, makatatanggap ng dagdag na P2,000 kada buwan ang lahat ng JO at COS ng Manila City Hall.
Samantala, bukod sa mga nabanggit na dagdag sweldo aprubado na din ng alkalde ang ordinansa na magbibigay ng “cash gift” sa bawat estudyanteng makakapagtapos sa magtatapos Pamantasan ng Lungsod ng Maynila at Universidad de Manila.
Nilagdaan ni Mayor Lacuna ang Ordinance No. 9068 na iniakda nina Manila 3rd District Councilors Pamela Fugoso-Pascual at ni Majority Floor Leader Councilor Ernesto C. Isip, Jr. na nagsilbing pangunahing may-akda kung saan makatatanggap ng cash gift na P2,000 ang bawat estudyante na makapagtatapos sa PLM at UDM.
Nabatid sa alkalde na ang P2,000 “Taas-Noo Manileño Graduation Gift” ay ibibigay sa UdM at PLM graduates simula sa school year 2023-2024.
Ang PLM at UdM ay ang pinondohan at pinatatakbo ng lungsod na mga institusyong mas mataas na edukasyon sa Lungsod ng Maynila. Jay Reyes