MANILA, Philippines – Aprubado na sa House Committee on Basic Education ang Classroom-Building Acceleration Program Act at Education Pathways Act na nakatuon sa mas mabilis na pagtatayo ng mga classroom at pagtiyak na may malinaw na direksyon sa pipiliing career ng mga estudyante sa pagtatapos ng senior high school.
Ang dalawang mahalagang panukala ay kapwa inakda ni Cavite Rep. Lani Mercado-Revilla.
Sinabi ni Revilla na sa ilalim ng House Bill No. 7798 ay mapapabilis ang pagtatayo ng mga classroom dahil isasabatas ang Classroom-Building Acceleration Program (CAP). Sa ilalim nito, isasentralisa sa Department of Education (DepEd) ang pagpaplano, koordinasyon, at implementasyon ng mga classroom construction project.
Ang DepEd din ang siyang magtatakda ng mga pamantayan at magkakaroon ng oversight power para sa mga itatayong classroom, kung saan maaari nitong atasan ang local government units at mga qualified private entities na magpartisipa sa konstruksyon ng mga silid-aralan.
“Mag-eestablisa ng Program Management Office. They are tasked with reviewing proposals, ensuring compliance with technical standards, monitoring timelines, and promoting transparency in procurement and implementation. It mandates that all classroom projects comply with infrastructure standards, including disaster resilience, climate adaptation measures, proper ventilation, sanitation facilities, and readiness for digital connectivity. Periodic monitoring and reporting requirements are likewise included to ensure accountability and measurable reduction of classroom backlog,” paliwanag ni Revilla.
Samantala, aprubado na rin sa committee level ang House Bill No. 3648 na nagsusulong na magkaroon ng malinaw na education pathway ang mga Grade 10 student kung anong career ang tatahakin.
“The measure recognizes multiple education pathways for Grade 10 completers, allowing students to choose between academic, technical-vocational, or employment-oriented tracks. It strengthens career guidance programs in schools to help students make informed decisions aligned with their abilities and long-term goals,” ani Revilla.
Sa pamamagitan ng panukala, titiyakin na magkakatugma ang curriculum ng DepEd, higher education institutions, at technical-vocational agencies upang mas maging bihasa ang mga estudyante at maging malinaw sa kanila kung anong career path ang nais nila mula pa sa elementarya.
“Itinataguyod nito ang mas malinaw at inclusive education pathways, mula basic education hanggang higher education, technical-vocational, at employment, upang matulungan ang bawat mag-aaral na mahanap ang angkop na direksyon para sa kanilang kakayahan at pangarap,” paliwanag ni Mercado-Revilla.
Umaasa ang mambabatas na agad na maipapasa sa House Plenary ang dalawang panukala. Gail Mendoza